Patok sa mga customer ang ibinebentang lasagna ng "Lasagna Express" dahil bukod sa nag-uumapaw ang Mozzarella cheese, hindi rin ito madaling mapanis. Ang kita sa ganitong negosyo, umaabot umano sa six digits kada buwan.
Sa programang "Pera Paraan," sinabi ni Alex Viola, research development staff ng formaggio cheese na bahagi ng negosyo, na gumawa sila ng homemade Mozzarella cheese na gamit ang gatas ng kalabaw.
Ang orihinal daw kasi na Mozzarella cheese ay mula sa buffalo.
Ngunit dahil nasa Pilipinas, lumikha sila ng Mozzarella na gawa naman sa gatas ng kalabaw, na tinatawag na cheese curd o natural cheese.
Ayon kay Chef Eladio Barayuga, na co-owner ng "Lasagna Express," sinimulan niya ang pag-aaral sa pagluluto ng lasagna nang magtrabaho siya bilang supervisor sa isang Italian restaurant.
"Pagkasinabi mong Italian, medyo maasim ang lasa niyan. Pero tayo kasi Pilipino, siyempre mahilig tayo sa medyo matamis. Ang ginawa namin, combination, hindi siya masayadong maasim, hindi rin siya masyadong matamis para maging perfect taste siya sa ating lahat," sabi ni Chef Barayuga.
Taong 2016 nang maging concessionaire sila at ibinenta ang lasagna sa iba't ibang private companies.
Pumatok ito, kaya sinubukan na rin nila itong ibenta online, na nag-umpisa lang ngayong taon.
Ang puhunan nilang P50,000 kada buwan para sa mga equipment at raw ingredients, agad din nilang nabawi sa loob lamang ng dalawang buwan.
Nag-umpisa silang magbenta sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan at ibang kakilala, hanggang sa nagkaroon na rin sila ng organic customers at naging repeat at loyal customers pa.
Mabibili sa halagang P150 ang solo order at P250 ang for sharing.
Ang kanila namang party tray na pang-hanggang 12 tao, may libreng garlic bread, 2 kahon ng assorted Korean Mandu at tatlong can ng Mango dragon fruit drinks.
Maaaring mag-order sa pamamagitan ng pickup o takeout sa Metro Manila at karatig-probinsiya.
At kahit na itabi ng hanggang isang buwan sa refrigerator ang kanilang lasagna, hindi ito kaagad mapapanis.
Kapag pinainitan sa microwave, maaari na ulit kainin.
Inilahad ni Chief Barayuga ang kaniyang "top secret" kaya umaabot ang kanilang lasagna ng hanggang isang buwan.
"Hindi tayo gumagamit ng tubig 'pag nagluluto ng sauce ng lasagna. 'Yun ang nakasisira, 'yung watery. All naturals kasi na wala siyang halong tubig," sabi niya.
Umaabot na rin ng six digits ang kanilang kinikita kada buwan, at layon nilang makapagpatayo rin ng mga on the go physical stores sa mga mall.-- FRJ, GMA Integrated News