Sa taas niyang apat na talampakan na karaniwan sa mga grade 2 students, pagiging baby face at maliit na boses, hindi kataka-taka na napagkakamalan pa ring bata si John Mark Valdez kahit ang totoo--19-anyos na siya.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang kakayahan ni John Mark na mag-drive ng truck na nagde-deliver ng mga construction material.
Dahil sa kaniyang liit, hirap si John Mark na abutin ang mga pedal ng sasakyan. Marunong din siyang magpatakbo ng motorsiklo.
Iyon nga lang, madalas siyang mahuli ng mga awtoridad kapag sakay ng motorsiklo dahil sa bukod sa mukha siyang bata, wala rin pala siyang lisensiya para magmaneho at hindi nakarehistro ang kaniyang sasakyan.
Sa likod ng masayahing mukha ni John Mark, napag-alaman na maaaga siyang humarap sa mga matinding pagsubok sa buhay.
Hindi niya nasilayan kung sino ang kaniyang ama, at iniwan naman siya ng kaniyang ina sa kaniyang lola at lolo noong sanggol pa lang siya.
At nang magkaroon pa ng dalawang anak ang kaniyang ina mula sa ibang nakarelasyon, iniwan din ang mga bata sa kaniyang lola.
Pero sa kanilang tatlong magkakapatid, napag-iwanan ang paglaki ni John Mark.
At naging dagdag na pagsubok sa kanilang pamumuhay nang pumanaw na ang kanilang lolo na siyang nagtataguyod sa kanila.
Hindi maiwasan ni John Mark na maging emosyonal sa ginawang pag-iwan sa kanila ng kanilang mga magulang sa pangangalaga ng kanilang lola at lolo na may edad na.
Ang lola nina John Mark, nagtatanim ng gulay at nag-aalaga ng mga manok na maibebenta upang makaraos sila sa araw-araw.
Dahil panganay din siya sa magkakapatid, napilitan na rin si John Mark sa murang edad na magbanat ng buto upang makatulong sa kaniyang lola, at matustusan ang kaniyang pag-aaral.
First year college na ngayon si John Mark at nangangarap siyang maging negosyante balang araw at magkaroon ng sariling farm.
"Mahirap talagang walang magulang kasi nagseselos ako kapag may makikita akong buong pamilya," naiiyak niyang pag-amin.
Sa kabila nito, ayaw ni John Mark na magtanim ng sama ng loob sa kaniyang mga magulang.
Sa ngayon, nagsisikap si John Mark sa pagiging working student upang matupad ang kaniyang mga pangarap.
Ngunit ano nga ba ang kondisyon ni John Mark na nananatili siyang mukhang bata?
Ayon kau Dra. Melinda Maduay, Internal Medicine, may kondisyon na dwarfism ang binata. Maaaring din umanong ikonsidera ang pagkakaroon niya Neotenic Complex Syndrome.
Wala rnaman daw dapat na ipangamba dahil katulad din ng ibang tao ang tagal ng buhay ng mga taong kagaya ni John Mark.
Gayunman, payagan kaya ng Land Transportation Authority na mabigyan ng lisensiya na magmaneho ang mga katulad ni John Mark na may kaliitan? Panoorin ang buo niyang kuwento sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News