Naging kontrobersiyal ang orihinal na bersiyon ng Senate Bill 1979 o Adolescent Pregnancy Prevention Bill dahil naglalaman umano ng "inappropriate" provisions, at sinasabing magtuturo ng kalaswaan sa mga bata. Gaano nga ba ito katotoo? Suriin ang nasabing panukalang batas, at ang isinumiteng kapalit na panukala.

Ilang grupo ang nagpahayag ng kanilang pagkabahala tungkol sa SB 1979, na nakapaloob sa Committee Report 41, dahil sa mga hinihinalang "hindi angkop na konsepto" at makasasama sa mga batang mag-aaral.

Kabilang sa ikinabahala ng mga grupo ang umano'y pagtuturo ng masturbation sa mga batang edad zero hanggang apat na taon, at pagtuturo ng "bodily pleasure" o "sexual rights" sa mga batang may edad anim hanggang siyam na taon sa ilalim ng probisyon ng SB 1979 tungkol sa Comprehensive Sexual Education (CSE).

Lumutang din ang tanong tungkol sa pagtalakay ng programa sa mga konseptong tulad ng "gender fluidity" at "sexual diversity," contraception, abortion, at non-traditional relationships.

Sa kabila ng mga pangamba, sinabi ni Senador Risa Hontiveros, pangunahing may-akda ng panukalang batas, na walang ganoong mga probisyon sa panukala.

Sa ibaba, makikita ang orihinal bersiyon ng SB 1979 na iniharap na sa plenaryo ng Senado:

 

 

Taliwas umano sa mga sinabi ng ilang grupo tutol sa panukala, iginiit ng senadora na ang hindi hango ang panukalang batas mula sa "Standards of Sexuality Education in Europe." Sa halip, hango umano ito mula sa Responsible Parenthood and Reproductive Health Law.

"An honest reading will show, kompara du'n sa mga atake laban sa bill na walang wala 'yung mga atake na 'yun about sa masturbation, anal and oral sex, sexual rights, sa mga bata. Those are outright fabrications," giit ni Hontiveros.

'International standards'

Si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na bahagi ng Project Dalisay—isang kilusang tumututol sa SB 1979—inihayag na nagsasaad umano ang panukalang batas na ang CSE ay magiging naayon sa "international standards," kabilang ang kurikulum na itinatag ng UNESCO at World Health Organization.

"Kasi ang philosophy ng CSE, internationally developed 'yan nitong mga UN agencies—UNESCO, WHO— and then they say that it is the child's right to, the right of pleasure from his or her body. So kasama du'n sa derivation of pleasure is the touching of body. Nino-normalize," paliwanag ni Sereno sa ambush interview.

"Siyempre hindi mo 'yan makikita sa bill. Wala 'yan sa bill but when the bill says, 'according to international standards' then ang dapat i-jump is tingnan mo 'yung international documents. They teach these things..." dagdag niya.

Section 6

Kasama ang linyang "guided by international standards" sa Seksyon 6 ng SB 1979 na tumatalakay sa Age and Development-Appropriate Comprehensive Sexuality Education.

Kamakailan lang, kinilala ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na kailangang tugunan ang teenage pregnancy sa gitna ng mga pag-uusap tungkol sa implementasyon ng CSE. Ayon sa pangulo, napakahalaga na ituro sa mga estudyante ang programa.

Sa kabila ng mga kritisismo laban sa panukalang batas, sinabi ni Marcos nitong Lunes na ikinagulat niya at nadismaya siya nang malaman ang detalye sa ilang nilalaman ng SB 1979.

"You will teach four-year-olds how to masturbate. That every child has the right to try different sexualities. This is ridiculous. It is abhorrent. It is a travesty of what sexual and sex education should be to the children," ayon kay Marcos.

Bilang magulang at lolo, sinabi ni Marcos na labis siyang naapektuhan ng naturang usapin. Kung makakasama umano ang mga inaangalang probisyon, tiniyak niyang hindi ito makakalusot sa kaniya at kaagad niyang ibe-veto.

Kasunod nito, ilang senador na dating sumuporta sa panukalang batas ang binawi ang kanilang pirma mula sa Committee Report 41, na naglalaman ng SB 1979.

Inalis na linya

Matapos nito, inihayag ni Hontiveros sa plenaryo ng Senado na maghahain siya ng kapalit na panukalang batas para sa SB 1979. Dito, tatanggalin na ang linyang "guided by international standards."

Lilimitahan na lang ang bagong bersiyon ng panukala sa mandatory CSE para sa mga kabataan na may edad 10 taon pataas, at naglalaman ng probisyon na nagsisiguro ng academic at religious freedom.

Nasa ibaba ang substitute bill para sa SB 1979:

 

 

Habang iginiit na wala sa orihinal na bersiyon ng panukala ang mga pinapangambahan ng Pangulo at ilang grupo, sinabi ni Hontiveros na layunin ng paghahain niya ng kapalit na panukalang batas ay para makahanap ng "common ground" upang maipasa ang isang batas na tutugon sa pambansang krisis na dulot ng teenage pregnancy.  — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News