Ang damong-ligaw na paragis na tumutubo sa kung saan-saang lugar at hindi pinapansin ng karamihan, sinasabing nakagagamot ng ilang sakit gaya ng UTI o urinary tract infection. Gaano nga ba ito katotoo? Alamin.

Sa programang "Pinoy MD," naniniwala si Ella Joy Villagracia, na ang pag-inom niya ng katas mula sa pinakuluan niyang paragis ang nakagamot sa kaniyang UTI.

Kuwento ni Villagracia, dahil sa UTI na impeksiyon sa daanan ng ihi, naging masakit sa kaniya ang umihi at nilalagnat siya.

Nang malaman niya na mainam na panlaban sa UTI ang paragis, sinubukan nito ito. Pumitas siya ng mga damo na kaniyang hinugasan nang mabuti bago niya pinakuluan.

Ilang minuto matapos kumulo ang paragis, saka niya ito iinumin. Matapos umano ng isang buwan na pag-inom ng katas ng paragis, sinabi ni Villagracia na bumuti na ang kaniyang pakiramdam at wala na siyang nararamdamang sakit kapag umiihi.

"Parang lasang mais po siya na nilaga," ayon kay Villagracia.

Ginagamit umano ang paragis sa tradisyunal na medisina para sa iba't ibang karamdaman dahil mayroon umano itong diuretics at anti inflammatory properties na maaring makatulong para ilabas ang baktirya sa ihi.

Gayunman, sinabi ni Dr. Harris Lim, Urologist, na kulang ang scientific evidence para mapatunayan na epektibo ito bilang panglunas sa UTI.

Ayon kay Kristine Marie Gapor, Health Education and Promotion Officer ng Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC), bagaman may pag-aaral na may antioxidant, anti-diabetic, anti-hypertensive, antibacterial properties ang paragis, hindi pa nila ito inirerekomenda bilang panglunas sa UTI sa ngayon.

Wala pa umanong clinical trial o research para sa paggamit ng paragis kaya hindi nila irerekomenda ang pag-inom sa naturang damo. Hindi pa rin alam kung ano ang tamang dosage nito, at kung ano totoong benepisyo at epekto nito sa kalusugan.

May ilang produktong paragis umano na naka-capsula at tea na rehistrado sa Food and Drug Administration pero wala itong aprubadong therapeutic claim, o siyentipikong katibayan na maaaring makapagpagaling ng sakit.

Paalala ng PITAHC, kumonsulta muna sa duktor bago gumamit o uminom ng mga halamang gamot.

Alamin ang 10 halaman gamot na inirerekomen ng PITAHC na aprubado na ng DOH. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News