Isang grupo sa Surigao City ang nagpapakilala umanong mas makapangyarihan kaysa sa gobyerno, at ipinapasara ang negosyo kapag hindi sumunod sa gusto nila ang may-ari nito. Ano nga ba ang grupong ito na armado ng itak ang mga miyembro?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video footage habang ikinakandado ng ilang miyembro ng grupo na tinawag na Federal, ang isang tindahan kahit nasa loob pa ang may-ari na si Jann Sacro.
Kuwento ni Jann, inuupahan nila ang puwesto ng kanilang sari-sari store. Pero isang araw, pinuntahan sila ng mga tao na nagpakilalang taga-Federal at pinapapunta sila sa opisina at sinisingil ng P1,000 na bayad.
Pangako umano ng grupo na nagpakilalang mas makapangyarihan sa gobyerno, mapapasakanila na ang tindahan at lupang kinatitirikan nito kapag sumama sa kanilang grupo.
May pinapipirmahan din umano sa kanila ang grupo pero tumanggi siyang pirmahan dahil naniniwala siyang huhuthutan lang siya ng pera.
Ito umano ang dahilan kaya nagalit sa kaniya ang grupo at tinutuo ang banta sa kaniya na ikakandado ang kaniyang tindahan.
Napag-alaman din na ikinandado rin ang katabing tindahan ni Jann na tumaggi ring sumunod sa kagustuhan ng grupo na armado ng itak ang mga miyembro.
Maging ang mga tao na hinihikayat nilang sumanib sa Federal, hinihingan din umano nila ng pera at pinapangakuan ng malaking sahod na hindi naman daw nangyari.
Sino nga ba ang nasa likod ng Federal na nagsasabing sila ang totoong encatadia at encantado na kayang mag-utos sa tubig, lupa at apoy. At ano ang hakbang na gagawin ng mga awtoridad para protehtahan ang mga tao laban sa grupong armado ng mga itak at samurai? Alamin ang buong ulat sa video ng KMJS. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News