Ang mga larawan na ginagamit pang-display ng mga alaala, maaari na ring gawing dessert dahil sa negosyong photo cookies. Ang isang entrepreneur na namuhunan sa halagang P500, kumikita na ngayon ng nasa P90,000 kada buwan.

Sa nakaraang episode ng "Pera Paraan," ikinuwnto ni Sabrina Hernandez, may-ari ng negosyong photo cookies na "Your.Cookie," na ag-aaral pa lang siya ng dentistry ay gusto niyang kumita ng pera.

Sinimulan ni Hernandez ang kaniyang sideline bilang isang reseller ng sugar cookies. Hanggang sa naisip niyang i-post sa marketplace ang ibinibenta niyang cookies at doon niya natuklasan na patok pala ito.

Kalaunan, gumawa na siya ng sarili niyang Facebook page. Itinigil na rin niya ang pagiging re-seller at nag-aral kung paano gumawa ng kaniyang sariling sugar cookies.

Dito niya rin naisip ang konsepto ng photo cookies.

Taong 2022 nang maging full-time business na niya ito.

"Nakita ko before na nauso 'yung cakes na may photos. Sabi ko, 'Why not ilagay ko kaya sa cookie? Try natin.' Puwede naman pala siyang gawin," sabi ni Hernandez.

Ang photo cookies ay ginagamitan ng tintang nakakain o edible ink para sa mga litrato, at ng wafer paper na nakakain din. Edible rin ang glue na ginagamit para maidikit ang edible paper at ink sa cookies.

Naibebenta ni Sam ang kada piraso ng kaniyang cookie mula P28 hanggang P35, depende sa size.

Maaari ding magpagawa ng boxes na nabibili mula P195 pataas, depende sa request.

Malaki ang pasasalamat ni Hernandez sa social media, na kaniyang ginamit sa pagtitinda at pag-promote ng kaniyang produkto.

"Always give updates sa clients mo, na this one is available. They can just message us on Facebook," sabi ni Hernandez.

Dahil na rin sa pagiging consistent ng entrepreneur sa social media, lumawak ang kaniyang market.

"Aside from making risk, also know kung ano 'yung risk na pinapasok mo. Pag-aralan mo 'yung negosyo na pinapasukan mo kasi hindi lahat ng negosyo is for everyone," sabi ni Hernandez. -- FRJ, GMA Integrated News