Dahil sa desisyon ng Korte Suprema noong nakaraang taon na payagan ang mga commercial fishing vessel o malalaking mangingisda na pumasok sa municipal waters, nangangamba ngayon ang maliliit na mangingisda sa Negros Occidental na magkakaroon na sila ng kaagaw sa kanilang hanapbuhay, tulad ng mga nanghuhuli ng alimasag sa bayan ng E.B. Magalona.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinaliwanag na ang municipal waters ay sumasakop sa karagatan na 15 kilometro mula sa dalampasigan.
Ang crab industry sa Negros Occidental na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda at negosyante, umaabot umano ng bilyong piso ang halaga, at ini-export sa ibang bansa.
Ang naturang lalawigan, kaya umanong makapag-produced ng tone-toneladang laman o karne ng blue crab sa isang araw. Kaya isa itong malaking industriya roon na pinakikinabangan ng mga maliliit na mangingisda at negosyante.
Ngunit ang naturang kabuhayan nila, nanganganib dahil sa desisyon ng SC na maaaring mangisda rin sa municipal waters ang mga commercial fishing vessel, o malalaking mangingisda na magiging kaagaw na nila sa biyaya ng dagat sa kanilang lugar.
Kabilang umano sa mga lugar na apektado ng desisyon ng SC ang 19 na bayan sa Panay, lima sa Guimaras, at 24 sa Negros Occidental, na kinabibilangan ng nasa 30,000 mangingisda rito at 5,000 nanghuhuli ng alimasag.
Ngayon pa lamang, iniinda na ng ilang mangingisda ang maliit nilang kita sa panghuhuli ng alimasag. Ang isang kilo ng alimasag, nabibili lang ng P160. Gaya ng isang mangingisda na nakahuli lang ng tatlong kilo blue crab.
Sa kita niyang P480, babawasan pa ito ng P150 na ginastos niya sa krudo, kaya P330 na lang ang maiuuwing kita ng mangingisda sa kaniyang pamilya.
Si Mary Jane, isa sa tatlong babaeng mangingisda sa kanilang lugar na nanghuhuli na rin ng alimasag upang matulungan ang kaniyang mister sa pagpapaaral ng kanilang mga anak.
Ayon kay Mary Jane, mas magandang manghuli ng alimasag kapag hindi malakas ang alon. Iniiwan nila sa dagat ang panghuli nila ng alimasag sa magdamag, at kinabukasan pa nila malalaman kung may nahuli sila o wala.
Sa mga buwan ng Mayo hanggang Agosto naman ang itinuturing peak season sa panghuhuli ng alimasag. Sa panahong iyon, maaari umano silang makahuli ng 15 hanggang 18 kilo kada araw. Ngunit sa ibang panahon, nasa isa hanggang dalawang kilo lang nahuhuli nila kahit pa iwan nila sa dagat ng dalawang araw ang panghuli nila ng alimasag.
Nang araw na iyon na binalikan ni Mary Jane ang panghuli ng alimasag na iniwan nila ng dalawang araw sa dagat, nasa isang kilo lang ang nahuli niya, o P160 na kita. Kaya nakiusap siya na huwag na munang ibawas sa kita niya ang gastos sa krudo para may maipambili siya ng bigas at ulam.
Kaya hindi niya naiwasan na maging emosyonal sa posibleng mangyari sa kanilang kabuhayan sa mga darating na panahon dahil sa naging desisyon ng SC.
"Maging kawawa kami, Ma'am. Kung hindi sila papasok dito, sa amin pa 'yan, mahuli pa 'yan namin. Pero 'pag pumasok sila dito wala kami magagawa," pahayag niya.
"Tanggapin na lang kahit masakit sa dibdib. Kasi may mga estudyante pinag-aaral. Tapos kung papayagan sila pumasok dito, 'di na namin silang kaya mapag-aral. Kahit 'yung kita namin ngayon hindi na nagkasya sa gabi," pahayag niya.
Ang ibang mangingisda, ibinebenta ang kanilang kita sa mga kompanya na hinihimay ang laman ng alimasag upang i-export.
Si Analyn na namimili ng mga alimasag para himayin ang laman, mayroong 60 empleyado sa kaniyang kompanya. Nangangamba rin siya sa mangyayari sa kanilang negosyo at sa mga tauhan niya kapag naging kakompitensiya na ng mga maliliit na mangingisda ang mga malalaking commercial vessel na nanghuhuli ng lamang-dagat sa municipal waters.
"Siguro kami, katulad namin na ganito lang ang hanapbuhay, siguro hindi kami papayag kasi labis kaming maapektuhan, wala nang matitira sa'min," pahayag niya.
Ngunit bukod sa mga commercial fishing vessels, problema rin ng mga maliliit na mangingisda ang mga nagto-troll o illegal na nangingisda sa karagatan na tumatangay ng mga iniiwan nilang panghuli ng mga alimasag.
Papaano kaya matutulungan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at ahensiya ng gobyerno ang mga maliliit na mangingisda? Tunghayan ang buong pagtalakay ng KMJS sa naturang usapin. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News