Naging usapin kamakailan ang isyu ng road rage matapos mapaulat ang ilang insidente ng away sa kalsada na nagresulta pa sa pagkasawi. Ano nga ba ang dahilan ng galit na nagreresulta minsan sa paggawa ng hindi mabuti?

Sa panayam sa kaniya sa Dobol B TV, nagbanggit ang registered psychologist na si Maria Angela Leabres-Diopol ng ilang dahilan kung bakit nagagalit ang isang tao.

"Una po rito puwedeng internal siya kasi normal naman sa tao 'yung nagagalit or makaramdam ng iba't ibang emosyon. And puwede rin 'yung mga environmental factors, 'yung mga nangyayari sa paligid natin nag-trigger siya kung paano tayo magagalit at bakit tayo nagagalit," sabi niya.

Bukod dito, maaaring trigger din ng galit kung nararamdaman ng isang tao na mayroong pangamba o threat, at pang-iinsulto mula sa kapwa driver.

Nakadadagdag din sa galit ang init ng panahon, o stressed o may dinadala nang problema ang tao bago pa man siya bumiyahe.

"So may tinatawag din tayong displacement of anger or stress. So hindi naman talaga siya doon nagagalit. Pero dahil nga tinrigger niya, dati na siyang may pinagdadaanan, nagalit siya doon sa kapuwa niya driver na nasa kalsada," sabi ni Diopol.

Kasama rin sa maaaring magdulot ng galit sa tao ang pride.

"Hindi ko naman nilalahat, babae man o lalaki, parang extension kasi 'yun ng ating mga sarili, 'yung sasakyan mismo, 'yung car. So, kapag siyempre, may perceived threat doon sa sasakyan mo o nagasgasan ka o binusinahan ka or na-cut ka, sarili mo 'yun. Ego mo 'yun," sabi ni Diopol.

Nagbabala ang psychologist na posibleng dahil sa galit, maaari itong humantong sa paggawa ng hindi mabuti.

"Posible po, kasi kung nag-overwhelmed na siya, kumbaga nag-control over na 'yung feelings, over rational thinking or over logic, puwede po mangyari 'yon," sabi ni Diopol.

Kaya payo niya, huwag agad pepersonalin kapag binusinahan sa kalsada.

"Doon naman papasok 'yung lack of empathy. 'Yung hindi mo naiisip 'yung mga pinagdadaanan din o kung ano 'yung iniisip ng iba. Na pakiramdam mo, patungo sa'yo, hindi naman kayo magkakakilala... Bakit ka naman niya bubusinahan na feeling mo, pinipersonal ka niya?," ayon kay Diopol.

"So puwedeng, baka nagmamadali rin siya, may emergency, or kailangan niya na makauwi. Pero siyempre, hindi naman din 'yung justification para makagawa siya ng hindi tama," sabi pa niya.

Mungkahi pa ni Diopol, mag-"step back" kapag nagalit o nakaramdam ng pagkayamot para mailagay ang sarili sa lugar ng kapuwa driver.

Iminungkahi ng psychologist na napapanahon ding sumailalim sa anger management seminar o individual counseling para sa mga tao na may mas mataas na anger vulnerability.

"A psychological assessment can provide us kung paano natin malalaman kung sino 'yung prone, sino 'yung mataas 'yung level ng kanilang anger o hostility, 'yung mga natatagong galit lang, na hindi kadalasan na nailalabas," sabi niya. -- FRJ, GMA Integrated News