Hindi man nakapagsasalita, makikita naman sa kilos ng asong si "Tigre" ang labis na kalungkutan nang pumanaw ang kaniyang amo na si Lolo Roberto.

Sa ulat ng FYP ng GMA Public Affairs, ipinakita ang video ni Clarice Joy Gajelon, na hindi umaalis si Tigre sa tabi ng ataul ni Lolo Roberto. May pagkakataon pa na tila lumuluha pa ang aso.

Ayon kay Lola Encarnacion, pumanaw si Lolo Roberto dahil sa matinding pneumonia.

Nang malaman niya ang pagpanaw ng kabiyak, labis ang kaniyang pag-iyak at tila naunawaan na rin umano ni Tigre ang malungkot na pangyayari.

At nang iburol na si Lolo Roberto, hindi na umano umaalis si Tigre sa tabi ng ataul nito. Hindi na rin kumakain ang aso.

"Sobrang lungkot niya, dama namin," ani Lola Encarnacion.

Sa loob ng apat na taon, lagi umanong magkasama sina Lolo Roberto at Tigre.

Hindi rin nawala ang pagsalubong ni Tigre kay Lolo Roberto kapag umuwi na ang kaniyang amo.

"Pagdating ni tatang, kakandong na rin niya yung baba niya, hinihimas-himasin na ni tatang," kuwento ni Lola Encarnacion.

Sa  harap ng pagdadalamhati, isa sa pinagkukunan ni Lola Encarnacio ng lakas ang kanilang mga alaga na nakakaunawa rin sa nararamdaman niyang kalungkutan matapos mawalan ng mahal sa buhay.

"Hindi nila ako pinapabayaan, palagi nila akong binabantayan," ayon kay lola. -- FRJ, GMA Integrated News