Lumantad at nagpaunlak ng panayam ang babae na mag-viral ang larawan kamakailan matapos na lumabas mula sa isang imburnal sa Makati at makatanggap ng P80,000 na tulong para magkaroon ng maliit na tindahan na kaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nilinaw ni Rosemarie Peligrino, na hindi siya sa loob naturang drainage nakatira. Sa halip, pumasok lang umano siya imburnal para kunin ang nalaglag na cutter blade na gamit niya sa pangangakal ng mga basura na puwedeng ibenta.
Ipinaliwanag din niya na walang pulis na humabol sa kaniya nang araw na iyon. Patakbo lang umano siya dahil sa takot bunga ng dami ng tao na nakatingin sa kaniya.
Bagaman dati raw siyang homeless, sinabi ni Rosemarie na nagrerenta na sila ng kanilang live-in partner ng isang kuwarto.
"Ito po yung bahay namin, malaki naman kaso maraming gamit, masikip. Ito yung mga kinakalakal ko," pahayag ni Rosemarie nang ipakita ang loob ng inuupahan niyang kuwarto.
Hindi rin daw siya lasing o naka-droga nang sandaling iyon. Kailangan lang daw talaga niyang kunin ang cutter blade na luma dahil wala na siyang pambili.
Ayon kay Dir. Marilyn Moral, Assistant Bureau Director ng DSWD, si Rosemarie ang humiling na tulungan siyang magkaroon ng sari sari store.
Pinagkalooban si Rosemarie ng P80,000 halaga para makapagsimula siya ng kaniyang tindahan.
"Sa pagkakaalam ko lahat po yon ay binili ng goods para itinda niya. Nakatulong naman po siya para maalarma ang lahat. Sana lang po 'wag din lang pamarisan," anang opisyal.
Sa mga pumununa sa P80,000 na ibinigay na tulong kay Rosemarie, sinabi ni Moral na hindi dapat tingnan ang naturang halaga bilang basta ibinigay lang dahil ibinase umano iyon sa ginawang pagsusuri ng social workers.
"Puwede namang mas maliit, puwede ring mas malaki. Pero may batayan po ito," sabi ni Moral.
Pangako naman ni Rosemarie, "Hindi ako babalik sa pangangalakal, pangangalagaan ko ang mga ibinigay nila."
Tunghayan sa video ang buong kuwento ang kalagayan ng ilang pamilya na naninihan sa ilalim ng tulay, at sino ang tatlong lalaki na nakita ring pumasok sa imburnal na handa rin umanong tulungan ng DSWD. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News
