Bumuhos ang luha at matinding emosyon nang mauwi sa pagpapaalam ang dapat sanang reunion ng isang lola sa kaniyang mga apo nang malaman niyang aalis na pala ang mga ito patungong Finland at doon na permanenteng maninirahan kasama ang kanilang ina.

Sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ni Aron Cabuncal ng labis na pagiging emosyonal ng kaniyang Lola Carmelita na tila ayaw kumawala sa pagkakayakap sa kanilang magkapatid.

Ito na ang kanilang huling pagkikita bago lumipad ang magkapatid sa ibang bansa.

Ayon kay Aron, edad apat pa lamang siya nang magtrabaho ang kaniyang ina sa ibang bansa. Kaya si Lola Carmelita, na 70-anyos na ngayon, ang nagpalaki at nag-alaga sa kaniya.

"Isa po siyang maalagain na lola. Simula po kasi bata kami, kami pong mga apo niya kasi, siya lahat ang nag-aalaga nu'ng mga bata pa lang kami kaya ganu'n po kami napamahal sa kaniya," sabi ni Aron.

Uuwi sana sa Hunyo 23 ang ina ni Aron, ngunit hindi na ito matutuloy matapos dumating ang visa nina Aron.

Kaya ang inaasahan sanang reunion ni lola, naging isang nakaiiyak na pamamaalam.

Nagkataon pa man ding birth month ni Lola Carmelita ngayong Hunyo.

"Hindi na po uuwi si Mama, kami na lang po 'yung pupunta sa Finland. Pumasok na rin po sa isip namin na, 'Ah for good nga pala kami sa Finland. Minsan na lang kami uuwi ng Pilipinas," sabi ni Aron.

"Iniisip ko po kung ano pa bang... Baka ano pang mangyari sa lola ko. What if hindi kami makauwi nang biglaan in case na may mangyari?"

Regular naman ang video call at tawag nina Aron kay Lola Carmelita.

Hiling ni Aron na humaba pa sana ang buhay ni Lola upang matuloy ang inaasam-asam niyang reunion sa hinaharap.

"Mahal na mahal ka namin, 'Nay, kaming mga apo mo. Sana hahaba pa 'yan, hahaba pa ang buhay niyo kaya magkikita't magkikita pa tayo. Dadalhin namin kayo rito," mensahe ni Aron kay Lola Carmelita. -- FRJ, GMA Integrated News