Nagpaalala ang National Council on Disability Affairs (NCDA) na igalang ang mga person with disability o PWD. Ayon sa NCDA, may parusa alinsunod sa mga batas ang mga taong napapatunayang nambastos o umalipusta sa mga taong may kapansanan.

Gaya nang nangyari sa PDW na si Jjulian Tacbad, na nakatanggap ng mga pasaring mula sa ibang pasahero sa sinakyan niyang LRT-Line 1 nang maupo siya priority seat. 

Sa social media post ni Tacbad noong June 9, dalawang pasahero ang nagtangkang patayuin siya sa kaniyang kinauupuan. 

Pero dahil nahihilo raw siya , hindi siya tumayo. Sa halip itinuro niya ang bakanteng upuan sa kaniyang harapan na hindi rin naman daw inokupa ng mga nagpapatayo sa kaniya. 

Sinabi rin daw niya sa mga ito na isa siyang PWD. Pero isang pasahero umano ang nagsabing kapag visual disability lang naman ay huwag nang umupo. 

Dahil ditto, sinimulan na niyang i-record ang pangyayari. 

Sa kaniyang post, ikinuwento ni Tacbad na ipinanganak siyang may congenital cataract. Pero inoperahan daw siya noong bata pa siya na nagresulta ng paglabo ng kaniyang dalawang mata. Ang grado ng kaniyang salamin, umabot ng 1,150 kaya kumuha siya ng PWD ID. 

Nang makita ng NCDA ang video ni Tacbad, sinabi nila na may paglabag sa batas ang mga pasaherong nagparinig sa kaniya. 

“May violations nagawa doon sa mga nag-ano sa kaniya, nag-ridicule which is violative of Republic Act 9442 as amended by 10754 and it’s also a violative of our Magna Carta yung RA 7277 on vilification kasi may public ridicule,” ayon kay NCDA Spokesperson, Atty. Walter Jason Alava,

Ang mga mapapatunayang lumabag sa naturang batas, maaaring makulong ng anim hanggang dalawang taon at pagmultahin ng P50,000 hanggang P200,000. 

Ipinaliwanag din ng NCDA na nahahati sa dalawang kategorya ang disability: ang apparent o nakikita sa pisikal na anyo ng taong may kapansanan, at ang non-apparent o hindi nakikita.

“Minsan, hindi natin nakikita specially yung apat-- yung sa mental, psychosocial, you have also learning and intellectual,” ayon kay Alava. 

Nakikita man o, hindi ang kapansanan ng isang tao, paalala ng NCDA sa publiko, maging marespeto sa mga indibidwal na gumagamit ng priority lanes, seat o, anumang PWD facility. 

“Kapag nakita mo na may umuupo doon, there is always a presumption of regularity na that person is a PWD. Ngayon kung non-apparent and you really think na hindi siya PWD, you can always ask the ID or what type of disability that person asked. But make sure that you have the authority to ask kasi siyempre kung ang datingan ng pag-ask mo ay pangungutya, that’s already violative,” sabi ni Alava. 

Ang mga PWD na makakaranas ng diskriminasyon at pangungutya, maaari umanong humingi ng tulong sa PWD Affairs Office ng kanilang lokal na pamahalaan, at i-report ang insidente para makapaghain ng kaso. 

“The moment na merong pag-ridicule, you try to get evidence or get proof of evidence katulad niyan na-video niya, or kung hindi man lang na-video, may testimonies from people around him or her,” payo ni Alava.—FRJ, GMA Integrated News