Marahil para sa iba, maliit na halaga lang ang P300. Pero para sa isang motorcycle taxi rider na may anak na maysakit, malaking tulong ang naturang halaga na tinanggap niya bilang tip mula sa isa niyang pasahero na pinagkatiwalaan siyang humawak ng P1,000 na pambayad sa pamasahe. Alamin ang nakaaantig na buong kuwento.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ikinuwento ng pasaherong si Ken Gi, 26-anyos, na may hinahabol siyang meeting noon sa isang kliyente kaya nag-MC taxi na lang siya.

Dahil wala siyang barya, nag-abot si Ken ng P1,000. Ngunit ang rider na si Jeoffrey Desabelle, wala ring panukli.

“Dahil na rin sa pagmamadali, nag-come up ako sa idea na ‘Sige, sandali lang naman ako sa may meeting ko. Kung gusto mo, ikaw na lang din ang maghatid sa akin pauwi.’ Iniwan ko sa kaniya 'yung cash ko na [P1,000] na hindi ko na naisip kung babalik pa ba siya o babalik pa ba 'yung sukli ko,” sabi ni Ken.

Ang motorcycle taxi rider na si Jeoffrey, residente sa Caloocan City, at walong taon na sa kaniyang trabaho. Tatlo sa kaniyang limang anak ang kasalukuyang nag-aaral, na isang nasa kolehiyo, isang Grade 11, at isang Grade 9.

Bago nito, nagtrabaho siya noon bilang guwardiya sa bangko, at nag-sideline bilang motorcycle taxi rider dahil sa hirap ng buhay. Naglilinis din siya ng aircon.

Taong 2023 nang dumating ang magkakasunod na pagsubok sa buhay ni Tatay Jeoffrey, at na-diagnose ang kaniyang bunsong anak na si Angelica na may panghabang buhay na sakit na ischemic stroke.

“Galing lang sa swimming, tapos kinagabihan, nilagnat po siya. Tapos taas-baba 'yung lagnat niya. Sinugod na sa ospital, hindi pa siya nakarating, nawalan siya ng malay. Merong tinurok sa kaniya, pagising niya, parang stroke ang kinalabasan,” kuwento ni Tatay Jeoffrey.

Dahil dito, iniwan ni Jeoffrey ang pagiging guwardiya at nag-full-time rider para mas makapaglaan ng oras sa anak. Isinangla niya na rin ang ang kanilang bahay sa dating katrabaho.

Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, hindi nawawala ang prinsipyo ni Tatay Jeoffrey ang manatiling tapat at lumaban nang patas.

Kaya ang usapan nila ni Ken na babalik siya, ginawa ni Tatay Jeoffrey, at hindi siya nasilaw sa P1,000 na ipinagkatiwala sa kaniya.

Ikinatuwa ni Ken ang pagtupad ni Jeoffrey sa kanilang usapan. Kaya matapos siyang ihatid, "Ang total kasi na babayaran ko sa kaniya is P335 papunta, and then pabalik P335 so total na siya ng P670, kung hindi ako nagkakamali. Meron pa akong change na nasa P330. Pero nag-offer ako ng ‘Sige kuya, sa iyo na ‘yan.’”

Ang hindi inasahan ni Ken, magpapadala ng mensahe sa kaniya si Tatay Jeoffrey para magpasalamat sa ibinigay nitong tip na magagamit niya sa gamot ng kaniyang anak.

Isinama rin ni Jeoffrey sa mensahe niya kay Ken ang larawan ng kaniyang anak.

Dahil dito, mas naunawaan ni Ken ang sitwasyon ng kaniyang naging rider.

“Kaya nakaramdam ako ng lungkot. And then, noong mga time na ‘yun, na-appreciate ko talaga 'yung mga pinagdaanan namin noong araw na ‘yun, is dahil may pinagdadaanan sila or nasa sitwasyon sila na nahihirapan na sa buhay. Pero lumalaban sila,” ani Ken.

Ipinost ni Ken ang kuwento nila ni Tatay Jeoffrey sa social media, at may mga nagpadala ng tulong para sa pamilya ng rider at sa anak nitong maysakit.

“Kay Sir Ken Gi, salamat sa kaniya dahil sa ginawa niya, maraming na-inspire. Nag-connect ba 'yung nangyari sa akin, nangyari sa anak ko,” sabi ni Tatay Jeoffrey.

Tunghayan sa video ng Good News nang muling pagkikita nila Ken at Tatay Jeoffrey, at binisita na rin niya si Angelica. Panoorin. – FRJ, GMA Integrated News