Ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address ang “zero-balance billing” ng mga magpapagamot sa mga ospital na pinamamahalaan ng Department of Health (DOH). Ano nga ba ang ibig sabihin nito at paano ito magagamit ng mga Pilipino na walang pambayad sa pagpapagamot sa ospital?

Sa programang “Unang Hirit” nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Dr. Israel Francis Pargas, spokesperson at SVP ng Health Finance Policy Sector ng PhilHealth, na dapat naka-admit sa “basic accommodation” o ward ng isang DOH hospital ang pasyente para siya makakuha ng zero-balance billing, o walang babayaran.

“Iyan po ang intensyon ng ating zero balance billing, na wala na dapat babayaran ang ating mga pasyente. Pero ito po ay kina-qualify natin, kung sila po ay ma-a-admit sa ward or basic accommodation,” sabi ni Pargas.

“‘Yung type of room sa isang DOH-retained hospital, meron kasing tinatawag na ward, basic accommodation, mayroong semi-private, mayroon ding ilang private rooms ang ating DOH-retained. Ninety percent of the beds are basic and ward accommodation. Kung doon po sila na-admit, doon mag-a-apply ang zero balance,” pagpapatuloy niya.

Sa ward o basic accommodation, may kasamang ibang mga pasyente ang nagpapagamot. Solo naman sa kuwarto o mag-isa lang ang pasyente kung nasa private room, at mas konti o dalawa lang ang kasama ng pasyenteng nasa semi-private.

Ayon pa kay Pargas, ma-a-avail ng pasyente ang zero-balance billing kung miyembro siya ng PhilHealth. Gayunman, dahil lahat ng Pilipino at itinuturing miyembro na ng PhilHealth, kung hindi pa miyembro ang pasyente ay ire-register din sila para magamit nila ang programa.

Lahat din umano ng uri ng karamdaman ay puwede sa zero-billing.

Inilahad naman ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo, na makikita sa post Facebook page ng Presidential Communications Office (PCO) na listahan ng mga DOH hospital sa buong bansa na maaari ang zero billing.

Una rito, inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa na hindi kasama sa zero billing ng 87 DOH hospitals ang mga ospital na pinapatakbo ng government-owned and controlled corporations (GOCC) na Philippine Heart Center, Philippine Lung Center, National Kidney Transplant Institute, at Philippine Children’s Medical Center.

“Yung GOCC kasi, it has more private rooms than the basic accommodation. Kasi yung GOCC, they earn income, and then it subsidizes the ward accommodation. Pero meron kaming packages doon, yung mga benefit packages… Naco-cover nila na wala nang babayaran ang patient,” paliwanag ng kalihim.

“Basta 'wag lang kayo nasa private (hospitals), kasi ‘pag nagpunta ka sa private may bayad yung doctor, may bayad yung room. Basta nasa basic accommodation ka ng DOH, bayad na ang bill mo,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Domingo sa Unang Hirit, na handa ang gobyerno sa inaasahan lalo pang pagdami ng mga pasyente na magtutungo sa mga DOH hospital dahil sa zero-balance billing.

Kasama umano sa kanilang programa na mabawasan ang mga magtutungo sa mga ospital ay ang Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) Centers, kung saan maaaring magtungo ang mga pasyente na kailangan lamang magpasuri o sumailalim sa mga laboratory test, ngunit hindi kailangan ma-confine.

Idinagdag ni Domingo na inaasahan nila na mas magiging mabilis ang pagpapalit ng mga pasyente sa mga DOH hospital dahil hindi na kailangang magtagal sa ospital ang pasyente na naghahanap pa ng pambayad--gaya ng guarantee letter—dahil bayad na ang billing nila.

Panoorin ang buong talakayan sa video. – FRJ GMA Integrated News