Kasama ang isang structural engineer, pinuntahan ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang flood control projects sa Barangay Candating sa gilid ng ilog ng Arayat, Pampanga, na may bahaging bumigay at tumagilid ang mga sheet pile. Ang pondo na inilaan sa naturang proyekto, P254 milyon.
Sa part 2 ng ginawang pagsusuri ng KMJS sa ilang flood control projects na bumigay kasunod ng nararanasang pag-ulan sa bansa, isinama ang structural engineer na si Juan Paulo Bersamina, upang mahingan ng propesyonal na pananaw tungkol sa mga posibleng dahilan kung bakit bumigay ang mga proyekto.
WATCH: Mga flood control project, ‘di umubra sa baha?
Dahil binabaha ang mga kabahayan sa Barangay Candating kapag tumaas ang tubig sa ilog, naglagay ng flood control project sa lugar na may mga sheet piles. Ang nakakuha ng kontrata sa proyekto, ang Eddmari Construction and Trading, na pag-aari umano ni Edgar Sagum, na kamag-anak ni Pampangan 4th District congresswoman na si Anna Sagum.
Apat na taon matapos na maitayo, may bahagi na ng proyekto ang bumigay umano noong 2024, at nasira na naman ngayong taon.
Kapansin-pansin na ang mga tumagilid na sheet piles, wine-welding ang mga ibabaw na bahagi.
Ayon kay Bersamina, may malaking kinalaman ang lalim ng baon ng sheet piles para maging matibay ang flood control projects. Kung hindi masyadong malalim ang pagkakabaon, may posibilidad na tumagilid o yumuko ito sa tubig.
"Because naka-lean na siya paganon, ibig sabihin nagkaroon ng failure," ani Bersamina patungkol sa nangyari sa proyekto sa Brgy. Candating.
"It's either because of the soil dahil mukhang saturated din siya. 'Pag saturated kasi ang lupa, mas magiging mabigat, mas malaki 'yung lateral pressure niya na tutulak sa sheet pile," paliwanag pa niya.
"That's why the rule of thumb is 1.5 times [para] may enough support ka from the bottom," sabi pa niya. "If talagang lubog talaga and noong nag-lean pa siya, that means hindi niya kinaya 'yung pressure."
Hindi rin sang-ayon si Bersamina sa paraan ng magkumpuni sa nasirang bahagi ng proyekto na ang tanging ibabaw lang ng tumagilid na sheet piles ang nireremedyuhan sa pamamagitan ng pagputol sa ibabaw na bahagi nito at saka iwe-welding na patayo.
"In my standards, hindi siya maganda because unang-una, naka-lean na. Then bakit mo pa hihinangin vertically?" saad niya.
Sinilip din ang proyekto na Lourdes River dike sa Parua River sa Bamban, Tarlac, na bumigay noong 2024, dalawang taon matapos na maitayo. Umabot sa P47 milyon ang gastos sa naturang proyekto.
Napansin ni Bersamina na walang bakal sa bahagi ng proyekto na bumigay at nilalagyan lang ng semento.
"Based on my research, may design standard naman talaga sa DPWH for that kind of dike," ayon kay Bersamina. Gayunman, hindi umano maaasahan na tatagal ang naturang uri ng disenyo lalo na kung may kasamang lahar na galing sa Mt. Pinatubo na aagos sa ilog.
"Ang lahar kasi, may tendency siyang mabigat 'yun," aniya. "Tapos, 'yung velocity nu’ng bulusok niya, lalo niyang kakainin ‘yung ilalim."
"So, most likely, baka 'yun 'yung naging failure ng sheet pile. Kinain niya nang kinain, eh 'yung sheet file natin, it relies du’n sa riverbed. Eh kung kinain siya ng kinain, due to the lahar, at bulusok 'yung velocity, mag-fail talaga siya," dagdag niya.
Ngunit hindi lang sa flood control projects may nakitang aberya sa proyekto ng DPWH. Ang Mabuhay Underpass sa national highway sa General Santos City in Mindanao, na may pondong P659 milyon na sinimulan noong 2022 para maibasan ang bigat ng daloy ng trapiko, hanggang ngayo ay hindi pa rin tapos.
Bakit nga ba tumagal ang paggawa sa naturang proyekto at matatapos pa kaya ito? Tunghayan ang buong ulat ng “KMJS” sa video. Panoorin.— FRJ GMA Integrated News
