Isang babaeng freshman ang agaw-pansin at kinagigilawan ng kaniyang mga kaklase at guro dahil bukod sa pagiging baby face, mahigit tatlong talampakan lang ang kaniyang taas. Ngunit ang kolehiyala, hindi gifted child na accelerated sa kolehiyo kung hindi dahil isa na talaga siyang dalaga.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Shahara Bandila, isang Information Technology student sa Cotabato Foundation College of Science and Technology — Pikit Extension sa Malidegao sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kulang man siya sa tangkad, hindi naman puwedeng maliitin si Shahara, dahil sa madali siyang matuto at makahabol sa lahat ng itinuturo sa kaniya, ayon sa kaniyang guro. Magaling din siya sa computer.
Sanay na si Shahara na pagtinginan at panggigilan ng kaniyang mga kaklase at mga guro.
“Minsan po kinukurot 'yung pisngi ko. Nagpapa-picture po sila,” ani Shahara, na may timbang na 18 kilos kaya madalas na bini-baby.
“Binubuhat po nila ako. Ginagawa nila po akong baby. Tapos naglalaro po sila kasama ako. Halimbawa ako po 'yung baby tapos sila po nanay tapos 'yung isa tatay,” kuwento niya.
Hindi man pinalad sa tangkad, bumawi naman si Shahara sa kaniyang talino, na nakapagtapos ng senior high na may honor.
Siya rin ang panganay sa apat na magkakapatid, at 18-anyos na si Shahara.
“Natutulala po sila kapag nalalaman nila na hindi ako 5-years-old, na 18 na po ako,” anang dalaga.
Hinala ng mga magulang ni Shahara na sina Rahma at Sorab Magulaing Bandila, may kinalaman sa kaniyang kondisyon ang nangyari sa kaniya noong ipinanganak siya.
“Unang lumabas 'yung kaliwang paa niya. Hindi na kaya nu’ng manghihilot mapalabas 'yung bata. Pagpasok namin doon sa ospital, nakita ko na 'yung paa niya na parang ganiyan na kaitim,” kuwento nila.
Sa kabila nito, himalang nabuhay si Shahara.
“‘Yun ang dahilan na nagkaganiyan siya. Dahil sa pagkapanganak sa kaniya na mahirap talaga makalabas. 'yung mga pinsan niya, malalaking mga tao. Nagtaka rin kami sa kaniya bakit siya lang naging ganiyan,” sabi ni Sorab.
Sakitin din si Shahara, lalo sa tuwing nagbubuhat siya ng mabibigat na gamit. Tuwing gabi, sumasakit ang kaniyang ulo at hindi pa siya dinadalaw [buwanang dalaw].
“Gusto ko po talagang malaman kung ano pong dahilan. Bakit hindi po ako tumatangkad,” sabi ni Shahara. "Hindi naman po nawawalan ng pag-asa. Sana po magamot po ako."
Ngunit dahil kapos sa pinansiyal, hindi pa naipatitingin sa espesyalista si Shahara upang malaman kung bakit hindi siya lumaki. Kaya naman sinamahan siya ng KMJS sa doktor. Alamin ang resulta ng ginawang pagsusuri sa kaniya. Panoorin ang buong kuwento sa video.—FRJ GMA Integrated News
