Ang 28 years old na dancer at performer na si Red Miranda, nagsimulang magpaganda ng katawan matapos umanong makaranas ng bullying noon.
Sa pamamagitan aniya high-protein, low-carb diet, workout, pag-iwas sa pag-inom ng alak, at pag-iwas sa pagkain ng maaalat at matatamis na pagkain, napaganda niya ang kaniyang muscles at abs.
“Inaasar ako ng mga classmates ko mga kalaro ko palito…so doon na-push yung sarili ko na kailangan kong magpaganda ng katawan para hindi na ako bu-bully-hin at tsaka tumaas yung self-esteem ko nung na-achieve ko ito,” ani Miranda.
Ang 26 years old na si Ariel Piala naman, anim na beses kada linggo nagwo-workout para mapanatili ang kaniyang magandang physique, lalo’t kailangan din daw niya ito sa trabaho bilang dancer at pagsali sa mga pageant.
“Marami siyang maidudulot na maganda, healthy lifestyle, hindi ka magkakasakit agad…self-love,” ani Piala.
Ayon sa physical medicine and rehabilitation doctor na si Dr. Luis Cordero, ang pagkakaroon ng muscles ay hindi lamang maganda sa panlabas kundi nakakatulong din sa metabolismo ng katawan.
“Physiological naman, our muscles are made up of cells and tissues that’s very metabolically active. Muscle contraction entails na kailangan may masunog na energy or calories, so it’s gonna help metabolize yung mga sugars natin sa body, that’s why exercise helps stave off yung insulin resistance or protects us from diabetes us well,” ani Cordero.
Pero sabi ng doktor pagdating ng edad 30 pataas, nagkakaroon na ng muscle mass loss o unti-unting pagkawala ng muscle.
“We lose muscle mass around 1-2% per year and that accelerates around age of 60 up to 3% per year. Roughly in a decade kung on an average individual we lose around 4-6 pounds of muscle mass, minsan hindi halata kasi yung weight loss na yun from the muscle natatabunan ng weight gain from the fat…it’s faster if sedentary tayo, hindi tayo masyadong nag-e-exercise or gumagalaw,” ani Cordero.
Kaya’t mainam aniya na habang bata pa, masanay na sa paggalaw at ehersisyo para makapag-build up ng muscles.
“As we grow old kung yung muscles natin lalo na sa spine, and sa lower extremities natin, mga legs natin, if they are adequate, maganda ang strength and flexibility nila, mas matagal yung panahon na kakayayanin natin, umupo tayo, mag akyat pa ng hagdan, mas kakayanin nating pulutin yung mga bagay sa sahig kasi kaya pa ng joints, kaya pa ng muscles yung load na mabibigay natin sa kaniya…” sabi ng doktor.
May paraan din aniya para mapabagal ang muscle mass loss. Kabilang na rito ang pagsailalim sa strength training at flexibility exercises.
Payo ng fitness coach na si Jason Gonzaga: “To maintain yung muscle mass natin, kailangan natin na magkaroon ng resistance training at least mga 3-4 times a week…that includes body composition exercises, cardiovascular activities and stretching.”
Sabi rin ni Dr. Cordero na pwede rin namang humanap ng mga aktibidad na mae-enjoy habang gumagalaw.
Kung nais namang mag gain pa ng muscles, kumain ng mga pagkaing mayaman sa protina at panatilihing hydrated ang katawan.
“Kung talagang gustong mag-maintain or mag-bulk up ng muscle mass, 1-2 grams of protein per pound ng ideal body weight,” ani Cordero.
Mainam din aniya na magkaroon ng sapat na pahinga at tulog.
“Ang exercise it’s just a stimulus, yung nutrients are just the building blocks,” sabi niya. “Pero yung adequate repair talaga ng body natin happens when we sleep, so around 6 to 8 hours of sleep a day is ideal.” — BM GMA Integrated News

