Hindi man type ng ilan na kainin ang gulay na okra dahil sa pagiging malapot o “malaway” nito, ang iba naman, ginagawa itong “okra water” o ibinababad sa tubig para inumin bilang gamot sa diabetes at umaoý pampapayat din. Gaano kaya ito katotoo? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Oligario Piamonte, na may diabetes at araw-araw ngayong umiinom ng okra water, o tubig na nilagyan niya ng hiniwang mga okra.

Ang mga okra na kaniyang pinitas mula sa community garden ng kanilang barangay, aalisan muna niya ng “ulo” at “buntot,” at saka hihiwain bago ibababad sa tubig ng magdamag. Kinabukasan, iinumin niya ito kasama ang malapot-lapot na katas ng gulay.

Bago nito, taong 2022 nang mangayayat si Oligario at matuklasang mayroon siyang Type 2 Diabetes.

“Hindi po talaga namin lahi ang diabetes. Nakuha ko po sa lifestyle. Kakainom ng soft drinks, tapos malakas din po ako sa kanin,” kuwento ni Oligario.

Tumaas din ang kaniyang blood sugar level at umabot sa puntong nahirapan na siyang tumayo. Nagkasugat-sugat din siya sa paa at matagal itong naghilom.

Hanggang sa pinayuhan siya ng mga kaibigan na magbabad ng okra sa tubig na kaniyang iinumin.

“After a week, saka mo mararamdaman na parang, oo nga may pagbabago. Hindi na ako masyadong hinihingal. Hindi na ako antukin,” sabi niya.

Makaraan ang ilang buwang patuloy na pag-inom ng okra water, bumaba ang blood sugar ni Oligario na mula 572 mg/dl, naging 240 hanggang 250 mg/dl na lang.

Si Jef Fernandez na may-ari ng isang pitong ektaryang farm sa Tarlac City, kayang umani ng 13 tonelada ng export quality na okra kada araw na ipinadadala sa Japan at Korea.

Ang head sorter sa farm ni Jef na si Marieta Austria, isang stroke survivor at umiinom din ng okra water para sa kaniyang Type 2 Diabetes. Edad 36 nang ma-diagnose siya ng sakit ngunit hindi niya ito gaanong pinansin.

Hanggang sa noong isang araw, aksidenteng natusok ng barbecue stick ang kaniyang daliri.

“Nangitim na po ito, parang nalulusaw na po 'yung laman niya. Sabi po ng doktor sa akin, ‘pag namatay 'yung kuko mo, puputulin natin 'yung daliri mo. Doon po ako natakot,” sabi ni Marieta.

Magmula noon, sineryoso ni Marietta ang paggamot sa kaniyang diabetes. Dahil kaharap na niya araw-araw ang mga okra, naisip niyang sumubok ng pag-inom ng okra water.

Makaraan lang ang isang buwang pag-inom nito, bumuti ang kaniyang kondisyon. Mula 120 mg/dl na blood sugar, napababa na ito sa 100 mg/dl. Ang kaniya namang nabubulok na sugat sa daliri, unti-unti ring naghilom, kaya hindi na kinailangang putulin.

Bukod sa nagpapababa raw ng blood sugar, mabisa rin umanong pampapayat ang pag-inom ng okra water.

Si Joe Mari Fulgencio, umiinom din ng okra water, 70 kilos na lang mula sa dati niyang timbang na 120 kilos.

Taong 2018 nang ma-diagnose na may depresyon si Joe Mari. Naglalaro siya ng basketball noon nang maputol ang tatlo niyang ligament at sumailalim sa operasyon. Dahil sa kaniyang injury, kinailangan niyang magbawas ng timbang.

Sa pagsasaliksik niya ng weight loss treatment, may nagrekomenda sa kaniyang uminom ng okra water.

“Titiisin mo talaga. Madulas siya tsaka malaway. Isang pitsel, inuubos ko ‘yun sa isang araw,” sabi ni Joe Mari.

Benepisyo ng okra

Ipinaliwanag ng nutritionist na si Genesis Rivera ang mga benepisyo ng okra.

“Ang okra, mayaman din ito specifically sa mga sustansiya katulad ng vitamin C, K, folate, magnesium at calcium. At itong mga sustansya ito ay importante para sa ating mga puso, sa ating immune system at overall health,” sabi ni Rivera.

Ayon pa kay Rivera, mas maganda pa rin kung kakainin nang buo ang okra kaysa ihalo sa tubig.

“Hindi natin masasabi 'yung antas o 'yung dami ng sustansiya na napupunta sa tubig galing sa okra. So, mas mabuti na kainin nang buo 'yung okra para mas makuha rin natin ang buo 'yung sustansya nito,” paliwanag niya.

Gayunman, nagpaalala ang mga eksperto na kahit na nakatutulong ang okra water sa pagpapababa ng blood sugar levels dahil sa taglay nitong insulin, hindi ito sapat para gamutin ang diabetes.

“Huwag na huwag natin itigil ang ating mga gamot lalo na kung hindi naman tayo sigurado sa iniinom o kinakain natin na nakakapagpaganda ng blood sugar natin. Importante 'yung pag-follow up niya sa doktor. Mataas ito (okra) sa tinatawag na oxalates, na posibleng maka-form ng stones doon sa mga prone. Hindi ito para sa lahat,” sabi ng endocrinologist na si Dr. Mia Fojas. – FRJ GMA Integrated News