Hindi lang gatas ang nagpapasarap sa halo-halo ng isang restaurant sa Ligao City sa Albay dahil sinamahan pa ito ng alak na lambanog.
Sa isang episode ng “i-Juander,” napag-alaman na ang halo-halo na may shot ng lambanog ay pakulo ni Melvin Sinson.
Dahil mayaman ang Bicol sa puno ng niyog na pinagmumulan ng katas na ginagawang alak na lambanog, naisipan ni Melvin na ito ang gamitin nila sa kanilang gagawing halo-halo.
Bago ilagay ang iba’t ibang sahog sa tasa o lalagyan ng halo-halo, una munang ilalagay upang pumailalim ang lambanog.
Kapag hinalo-halo na ito, naglalaro umano ang pait at tamis sa lasa ng halo-halo.
Pero ang halo-halo na may shot ng lambanog, for adult only lang at hindi puwede sa mga bata’t menor de edad. Alamin kung papaano ito inihahanda, at saan nga ba nagmula ang halo-halo. Panoorin ang video.—FRJ GMA Integrated News
