Dahil lumaki sa angkan sa kahirapan, nabuo sa isipan ni Nanay Mary Lou Certeza na dapat maputol sa kaniyang mga magiging anak ang pag-ikot ng naturang uri ng pamumuhay. Kaya naman kahit labandera lang, iginapang niya ang pag-aaral ng anim na anak—at ang kaniyang mga anak, tumulong din upang makaahon sila sa kahirapan. Tunghayan at gawing inspirasyon ang kanilang kuwento.

Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing mula sa pagkabata, mulat sa kahirapan si Nanay Mary Lou o Malou, na tubong Binangonan, Rizal.

“Alam mo 'yung kanunu-nunuan mo, labandera, katulong, nagtitinda, sabi ko ayoko ng ganito,” sabi ni Nanay Malou, na elementary lamang ang natapos at nag-asawa na noong 16-anyos pa lamang.

Nabiyayaan sila ng anim na anak ng kaniyang asawang si Cesar, na nagpupursige bilang machine operator sa Pasig. Dahil dito, nakakaluwag-luwag sila noon.

“Nadanasan ko rin 'yung may katulong ako, may labandera ako, dahil maganda ang trabaho niya,” kuwento niya.

Ngunit pagsapit ng dekada 80, nawalan ng trabaho si Cesar, kaya nagpasiya itong mag-abroad. Gayunman, hindi ito nagtagal doon.

Kuwento ni Evelyn “Apple” Certeza, panganay na anak ni Malou, pinanghinaan noon ang kanilang ama, nagkaroon ng depresyon, at dumami ang kanilang utang.

Dahil dito, napilitan si Malou na akuin ang responsibilidad na tustusan ang pangangailangan ng pamilya habang lumalaki na ang kanilang mga anak.

Naglalaba si Malou sa araw, at nananahi naman sa gabi. Mula Rizal, lumipat sila ng Parañaque sa pag-asang mas lumaki ang kinikita niya sa paglalaba.

Si Apple, proud sa husay sa paglalaba ng kaniyang inang si Malou at nilalabhan ang kaniyang uniporme na nagagawang maputing-maputi kaya naging model student siya.

Hindi naman naitanggi ni Malou na hindi niya maiwasang manliit sa kaniyang sarili.

Ang dati kasi nilang labandera, nagkaroon ng anak na nakapag-abroad at siya naman ang naging labandera.

“Sabi ko nga, ang buhay talagang gulong,” sambit ni Nanay Malou.

Si Narisa na pang-apat na anak ni Malou, naalala nang maliitin ng kaniyang mga kaklase ang kaniyang ina.

“Naalala ko nu’ng elementary ako, somehow pinagtatawanan siya eh, nu’ng mga classmates ko,” sabi ni Narisa.

“Birthday ko, nahihiya man ako imbitahin 'yung mga friends. Doon ko nakita 'yung humahawak sa ilong, nakita ko ng pandidiri nila nu’ng umaakyat. Nu’ng naaalala ko ‘yun, sabi ko, minsan nga natanong ko sa sarili kung bakit mahirap kami. Kasi naranasan ko nagkaroon na kami ng yaya eh. So alam ko may kaya kami,” sabi naman ni Apple.

Naging katuwang ni Malou sa paglalaba ang kaniyang pangalawang anak na si Tina.

“Priority namin 'yung paglalaba para mabuhay kami, kaysa maglaro. Gusto niya kami makapagtapos para nga na-stop na 'yung pagiging alipin namin,” sabi ni Tina.

Nagsumikap naman si Apple para magkaroon scholarship, at nag-summer job pa para may pambaon.

Dahil sa pagpupursigi nilang mag-ina, nakapagtapos sa kursong secondary education at naging teacher si Apple.

Sa kabila nito, maging mga mag-aaral ni Apple, minamata ang kaniyang ina.

“Masakit. Lalo na kay Apple noong magturo ‘yan, sabi ng isang estudyante sa kaniya. ‘Yan si ma'am, nanay niya labandera lang namin. Pero sinagot niya, ‘O eto 'yung anak ng labandera nakatayo sa harapan niyo para magturo sa inyo.’ Tatatak sa mga tao 'yung pagiging labandera ko,” sabi ni Malou.

Kalaunan, huminto sa pagtuturo si Apple at nagnegosyo.

Katuwang ang inang si Malou, pinagtulungan nilang pag-aralin ang iba pa niyang mga kapatid.

Ang kanilang pagsisikap, nagbunga.

Si Tina na dating katuwang ni Nanay Malou sa pagbabanlaw ng labada, isa nang businesswoman. Isa namang bartender sa barko ang anak na si “Pogi,” habang BPO employee naman si Isay.

Supervisor naman ng isang kompanya si Kino, habang ang bunso na si Shek, nagtatrabaho bilang Coast Guard.

“Nung hawak ko na 'yung diploma ko, hindi 'yun sa akin eh. More than ni-receive ko siya, para talaga 'yun sa kanila,” sabi ni Isay.

“Ang sarap na ng pakiramdam na ngayon. Okay na kami,” sabi ni Apple.

Taong 2023 nang pumanaw na ang kanilang padre de pamilya na si Cesar dahil sa sakit na highblood at diabetes.

Ngayon, nakapagpundar na ang kanilang pamilya ng sariling bahay sa Cavite.

Sa sobrang proud ni Nanay Malou sa pagtatapos ng anim niyang mga anak, ginawan niya ang mga ito ng naglalakihang cross stitch.

Tunghayan sa KMJS ang pagbisita ni Malou sa dati nilang tirahan kung saan siya naging labandera sa Parañaque, at ang madamdaming liham ng magkakapatid para sa kanilang dakilang ina. Panoorin. – FRJ GMA News