Iniuugnay ng isang senador ang isang online extremist group na tinatawag na "764" ang naganap na pamamaril ng dalawang menor de edad na estudyante sa isang paaralan sa Tacloban City, na ikinasawi ng tatlong mag-aaral at ikinasugat ng marami.

Ayon kay Senador Risa Hontiveros, maaaring naimpluwensiyahan umano ang trahedya ng grupo na pinaniniwalaang bahagi ng isang nihilistic violent extremism network.

Dagdag pa niya, ikinunsidera ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Amerika ang "764" bilang isang "national security threat," habang itinuring ng gobyerno ng Canada na isa itong teroristang grupo.

Ayon sa Global Network on Extremism and Technology (GNET), isang online child extortion group ang "764" na itinatag noong 2021 ng Discord user na si Bradley Cadenhead.

Napaulat na hango ang inspirasyon ng "764" mula sa isa pang komunidad ng Discord, ang "Cvlt", na pinipilit ang mga bata na gumawa ng mga seksuwal na gawain sa camera para sa sextortion.

“According to the statement of facts reviewed by the authors, the investigating officer found that Cadenhead had been fascinated with online content depicting murder and torture from the age of 10. Subsequently, Cadenhead became acquainted with an unknown individual through the online game Minecraft who aided him in starting the group known as 764,” sabi ng GNET.

Ngunit hinihikayat din ng "764" ang iba pang klase ng karahasan sa mga menor de edad gaya ng pagpapahirap sa mga hayop, incest, panggagahasa, pananakit sa sarili, at bestiality.

“764 force victims to carry out four key types of harm that may be recorded and shared on social media platforms or disseminated internally. These include forced drug use and self-harm, such as non-suicidal self-injury with blades or needles, asphyxiation or burning,” sabi ng GNET.

“New members are also encouraged to engage in animal abuse, being forced to injure or kill personal pets or other animals,” dagdag nito.

Samantala, sinabi ng Anti-Defamation League (ADL), isang anti-hate group na nakabase sa US, na nakaugat ang ideolohiya ng "764" sa “nihilism and misanthropy, promoting a worldview that rejects moral norms and sees no value in human life.”

Parehong binanggit ng GNET at ADL na kumukuha ang "764" ng mga biktima nito mula sa mga online community, kabilang ang Roblox at Minecraft, na kasalukuyang paksa ng debate sa Pilipinas.

“Discord serves as the preferred platform for this purpose. Discord’s popularity with 764 arises from the many pre-existing communities they can recruit from on the platform. This ranges from Roblox or Minecraft servers run by 764 users, self-harm servers, gore, etc. Additionally, the ease of server creation and management and the capacity for text, voice, and video communication all make it an attractive platform for their purposes,” sabi ng GNET.

“764 members employ several techniques to lure victims into these private spaces, including offering in-game rewards or virtual currency for games like Roblox, or feigning romantic interest to coerce the victim into sharing personal or compromising information,” sabi ng ADL.

Bago ang mga kamakailang insidente ng pamamaril at pananaksak, sinuri ang online gaming platform na Roblox matapos ang mga ulat ng pangangalap umano ng mga menor de edad para sa mga ilegal na aktibidad.

Gayunpaman, sinabi ng Department of Information and Communications Technology noong Abril na tinalikuran na nito ang mga planong ipagbawal ang Roblox sa bansa, kasunod ng pangako ng online gaming platform na paiigtingin nito ang mga pananggalang o safeguards sa gitna ng mga alalahanin sa kaligtasan ng bata.

Naaresto si Cadenhead noong 2021 at nagsisilbi ngayon ng 80-taong sentensya sa bilangguan sa Texas. – Vince Angelo Ferreras/Jamil Santos/FRJ GMA News