Panalo si Alexandra "Alex" Eala sa laban nito kay Maya Joint sa iskor na 3-6, 6-2, 6-0 sa second round ng Wimbledon nitong Huwebes (Philippine time). Dahil dito, bukod sa umusad ang Pinay tennis star sa Round of 32, nakabawi na siya sa pagkatalo sa Australian player noong nakaraang taon.

Tumagal ng halos dalawang oras ang laban bago nakumpleto ni Eala ang kaniyang come-from-behind na tagumpay. Noong nakaraang taon, tinalo ni Joint si Eala sa Eastbourne Open na inabot din ng tatlong set: 6-4, 1-6, 7-6.

Matapos ang dikitang unang set na napunta kay Joint, nakabawi si Eala sa ikalawang set at naglatag ng 3-1 na kalamangan. Bagama't nakakuha pa ng isang game si Joint upang paliitin ang agwat, sunod-sunod namang nanalo si Eala sa tatlong sumunod na game upang maitabla ang laban (1-1) at maitulak deciding game na set 3.

Dito na ipinakita ng Pinay tennis star ang bangis niya sa grass-court at hindi na pinaporma si Joint, 6-0, upang maselyuhan ang kaniyang panalo.

Sa susunod na round, makakaharap ni Eala ang limang beses na Grand Slam champion na si Iga Swiatek para makapuwesto sa ikaapat na round ng torneo.

Babalik din sa court si Eala sa kalaunan ngayong Huwebes para sa women's doubles, kung saan makakasama niya ang Czech partner na si Nikola Bartunkova laban kina Sofia Kenin at Jelena Ostapenko.—FRJ GMA News