Natuyo na ang ilang bahagi ng Angat Reservoir sa Bulacan matapos bumagsak sa kritikal na antas ang tubig nito dahil sa kakulangan ng pag-ulan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabi ng PAGASA) na bumaba na sa mahigit 152 metro above sea level ang antas ng tubig sa reservoir.

Mas mababa na ito sa minimum operating level na 156 metro at malayo sa normal operating level na 180 metro.

Lumitaw na rin ang malawak na bahaging maputik sa imbakan ng tubig. Bagama't may ilang bahagi pa rin ng reservoir na may natitirang tubig.

Sinabi ng PAGASA na kinakailangan ang tuluy-tuloy na pag-ulan sa watershed ng Angat upang muling mapuno ang reservoir at tumaas ang antas ng tubig nito.

Nakipagpulong na umano ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte, Bulacan sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), National Water Resources Board (NWRB), National Irrigation Administration (NIA), at Local Water Utilities Administration (LWUA) upang talakayin ang mga pangmatagalang hakbang sa pagtugon sa patuloy na pagbaba ng suplay ng tubig.

Nagbabala ang mga awtoridad na maaari pang bumaba sa 149 metro ang antas ng tubig sa reservoir pagsapit ng katapusan ng linggo kung hindi bubuti ang kasalukuyang kalagayan nito. – FRJ GMA News