Nagkaroon ng tensyon sa isang barangay matapos i-hostage ng isang security guard ang kaniyang 13-anyos na kapitbahay sa Maypajo, Caloocan. Ang sekyu, may mabigat na pinagdaraanan umano matapos hindi napasuweldo ng kaniyang dating security agency.
Sa ulat ni Katrina Son sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente sa Barangay 28 mag-8 a.m.
Pumalibot ang Caloocan Police at ibang emergency responders sa lugar habang nakikipag-negosasyon.
“Sa bintana siya dumaan tapos dumaan ng bubong. Hanggang umabot po siya doon sa kabilang bahay. Doon niya na nakuha ‘yung minor natin,” sabi ni Police Captain Julius Villafuerte, Acting Chief, Investigation And Detective Management Section, Caloocan City Police.
Bago dumating ang pulisya, may mga kasamahan ang suspek na tinangkang kausapin siya.
Pero pagkalapit ng kasamahan, hino-hostage din siya ng suspek.
Kasama sa mga hiniling ng suspek ang halagang P9,500 at makausap ang kaniyang pamangkin.
Matapos maibigay ng pulisya ang hiniling ng suspek, sumuko siya bandang tanghali.
“Allegedly nakakaranas ng depresyon ang suspek natin. And according sa ating mga witness, medyo nagkaproblema sa pamilya kaya naisip niya ang magkaroon ng hostage taking,” sabi ni Villafuerte.
Ayon sa kapatid ng suspek, gusto na sana nitong umuwi sa Iloilo ngunit wala nang pera.
Hindi umano pinasuweldo ang kapatid sa dating pinagtatrabahuhang security agency.
“Apat na araw na straight ang duty. Walang kain. Siyempre antok ka na nu’n. Sana sa agency niya, suwelduhan naman. Kasi kawawa naman ang tao eh. ‘Yun lang ang akin. Kung ano ang pinaghirapan ng kapatid ibigay sana nila. Para makauwi na,” sabi ng kapatid ng suspek.
Nakikipagtulungan na ang security agency na pinapasukan ng suspek.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ngunit tumangging magsalita ang suspek, na mahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Tumangging magbigay ng kanilang panig ang pamilya ng biktima. —Jamil Santos/VBL GMA News
