Marami ang humanga sa nurse na si Fatima Palma nang mag-viral noon ang kaniyang video habang inaawitan ng rap song ang kaniyang pasyente sa ospital. Sa pagbisita niya sa programang "Mars," inamin niya na nakiusap siya noon sa kumuha ng video na huwag nang i-upload sa social media ang video dahil sa takot na baka mawalan siya ng trabaho.

Ayon kay Fatima, isang pasyente na may stage 4 cancer ang inaawitan niya sa naturang viral video. Mga OFW umano ang ilang kaanak ng pasyente na nasiyahan sa ginawa nilang pag-aasikaso dahil kahit papaano ay napahaba nila ang buhay nito at nagkaroon sila ng pagkakataon na maalagaan at makita kahit sandali ang may sakit nilang kaanak.

Nang araw na kunan ang video, isang kaanak ng pasyente na marunong mag-beatbox ang naka-jam niya upang kantahan muli ng rap song ang pasyente.

Bagaman hindi na umano makakilos noon ang pasyente, natuwa raw sila nang mapansin nilang gumalaw ang katawan ng pasyente na tila nakikisabay sa kanilang tugtugin.

"Napansin po niya [anak ng pasyente] yung daddy niya gumagalaw. Kasi po yung daddy hindi na po gumagalaw yon, isang side lang yon. Nung kumakanta po ako, nakita niya inaangat nung daddy yung katawan niya sa bed. Makikita mo talaga gumagalaw yung daddy," kuwento ni Fatima, na recording artist na ngayon bilang si “MC Fatima Palma-Loo.”

Sabi pa ni Fatima, matapos na makunan ang video, hiniling niya sa anak ng pasyente na huwag nang i-upload ang video dahil sa pangamba na maapektuhan ang kaniyang trabaho dahil hindi iyon ginagawa sa ospital at bawal sa kanilang mga naka-duty.

Pero matapos ang isang buwan nang pumanaw ang pasyente, muli raw nakita ng anak ang video ng kaniyang ama na kinakataan at doon na na-upload ang video at nag-viral.

Naalala ng pamilya ng paseyente sa pamamagitan ng video... ito na pala ang huling pagkakataon na nakita nila ang tatay nila na gumagalaw.

"To me as a nurse, I guess that's everything. That's what music and medicine can do to people," sabi ni Fatima.

Panoorin buo niyang kuwento sa video na ito ng "Mars."

Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News