Sa isang vlog by Lorita, ina ni Lloyd Cadena na kilala rin bilang Mother Kween, may  nadinig na misteryosong boses sa background na hinihinala ng ilang netizen na tila boses ng pumanaw na sikat na vlogger.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, ipinaliwanag ni Lorita ang tungkol sa misteryosong tinig na hindi raw niya napansin habang ginagawa ang naturang video.

Natanong ang ginang kung nagparamdam na ba sa kaniya ang anak.

“Once lang napanaginipan ko siya pero masaya naman siya kasi baby siya nang napanaginipan ko, ’yung parang angel na siya," saad ni mommy Lorita na unang panayam niya mula nang sumakabilang-buhay ang anak.

Bagamat hindi na umano magiging katulad ng dati ang kanilang Pasko, sinabi ni Lorita na nagpapakatatag siya para sa tatlo pa niyang anak.

“Nung nabalitaan kong patay na si Lloyd parang hindi pa ako naniwalang nangyari ’yun kasi syempre nagte-text pa kami sa gabi,” saad niya.

“Wala naman kasi hindi ko naman ine-expect kasi na hindi na siya makauwing buhay, eh, kaya wala kaming pinag-usapan. At saka si Lloyd kasi malihim. Hindi siya nagsasabi sa akin kasi ayaw niyang malungkot ako,” patuloy niya.

Tila natanggap na rin ni mommy Lorita ang pagkawala ng anak dahil hiram lang natin ang buhay.

“Kumbaga hiniram lang naman natin ’yung buhay natin. Kung kailan tayo kukunin ng Panginoon e wala naman talaga tayong magagawa. Siyempre mahal siya ng Panginoon kaya siguro kinuha na siya,” paliwanag niya.

Sa isang vlog naman ni Lorita, may nadinig na boses na nagsalita ng “Ma!” at “Nahihirapan ako.

Hinala ng ilang netizen, boses iyon ni Lloyd.

“Nababasa ko lang sa mga comment nila. Saka ano naman siguro ’yun, kasi may isa rin naman ako kasing anak dito na habang nagshu-shoot kami, kinakausap din niya ako kasi umiiyak kasi ako nun, e," kuwento ng ginang.

“Ewan ko kung totoo ’yun dahil hindi ko naman din kasi narinig. ’Yung mga sabi-sabi lang. Ewan ko kung dinagdagan din nila o whatever," patuloy niya.

Plano raw ni Lorita na gawan ng mausoleum si Lloyd para makabisita doon ang mga tao.– FRJ, GMA News