Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang karne ng baboy-damo na nakitang patay sa gubat ng Malibcong, Abra.

Sa ulat ni Trace de Leon ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing sa kabundukan na bahagi ng Barangay Lat-ey nakita ang patay na hayop.

Una rito, sinabing nabahala ang mga residente matapos mamatay ang mahigit 100 baboy-damo sa Malibcong at sa Tineg nitong mga nagdaang araw.

"Talagang mas mahirap ito kasi hindi natin kontrol yung source. Kasi yung source natin from wild. Hindi kagaya sa backyard, control natin yung movement ng baboy," ayon kay  Dr. Jomarh Zales, Veterinarian IV, Abra.

Dahil dito, pinulong ng Provincial Veterinary Office ang mga livestock coordinator at Municipal Agricultural Office sa mga apektadong bayan ng Abra.

Nagpalabas na rin ng kautusan ang lokal na pamahalaan ng Malibcong na ipinagbabawal muna ang pag-hunting at pagkatay ng mga baboy-damo lalo sa apektadong lugar.--FRJ, GMA News