Naiyak sa labis ang tuwa ng isang ina na nagdiriwang ng kaniyang ika-60 kaarawan matapos siyang sorpresahin ng kaniyang mga anak ng money bouquet sa San Agustin, Isabela.

Sa ulat ng Regional TV News, sinabing ipinagdiwang ni Nanay Prezy Mendez ng Barangay Mapalad ang kaniyang kaarawan nitong Agosto.

Ang natanggap niyang money bouquet, nagkakahalaga ng P60,000. 

Sinabi ng bunso niyang anak na si Melanie Melendez-Haggang, na mahigit dalawang buwan nilang pinagplanuhan ang sorpresa kasama ang kaniyang ate Hazel, na nasa Australia, at Kuya Bobby, na isang pulis.

Ayon sa magkakapatid, pasasalamat nila ito sa kanilang ina dahil sa kaniyang hindi matatawarang pagmamahal at suporta sa kanila.

Pinagpaplanuhan na rin ng magkakapatid sa kasalukuyan ang ika-60 kaarawan din ng kanilang tatay Orlando sa Disyembre.--Jamil Santos/FRJ, GMA News