Nagsalita rin si Kim Rodriguez upang linawin at itanggi ang tsismis na may namamagitan sa kanila ni Marc Pingris, na mister ni Danica Sotto.

Nag-ugat ang espekulasyon na may namamagitan sa dalawa dahil sa mga larawan nila na pareho nilang pinuntahan, partikulan ang isang fries stand at sa Sydney Opera House.

Ibinahagi ni Ogie Diaz ang paliwanag ni Kim sa kaniyang latest vlog.

Tungkol sa litrato sa fries stand, sinabi ni Ogie na batay kay Kim na siya ang manager, “Nagpunta po ako diyan, nag-stopover po ako diyan kasi papunta ako ng Subic kasama ang mga kaibigan ko. ‘Yung kay Marc Pingris po, hindi ko alam kung kailan ‘yon.”

"Kahit itanong niyo pa po diyan sa girl na ‘yan kung magkasama kami ni Marc Pingris or pareho niya kaming nakita on that same time, I’m sure alam niya ‘yung totoo,” dagdag pa ng aktres.

Tungkol sa larawan sa Australia, sinabi umano ni Kim na nagbakasyon siya sa nasabing bansa na may kasama na dalawang kaibigan.

“Sabi sa ‘kin ni Kim, ‘anong pakialam ko kung may picture doon si Marc Pingris sa Opera House, eh ako din merong picture?’” ayon kay Ogie.

Bilang manager, sinabi ni Ogie na hindi na sana niya nais magsalita pa ang si Kim sa isyu kung hindi naman totoo.

“For as long as hindi totoo, ‘wag niyang pansinin,” pahayag niya. “Eh kaya lang as a vlogger at ako po ay inaasahan ninyo, kailangan ko pong magsalita rito.”

Nilinaw din niya na hindi niya ginagamit ang kaniyang vlog para iangat ang kaniyang alaga pero nais lang niyang maipahayag ang panig ng aktres.

Kamakailan lang, nagsalita rin si Marc sa isang post sa social media para linawin ang isyu.

"Walang katotohanan ang mga lumalabas na balita tungkol sa amin ni Ms. Kim Rodriguez. Walang namamagitan sa aming dalawa gaya ng sinasabi ng ibang tao," ayon sa basketbolista.

Idinagdag ni Marc na maayos ang pagsasaman nilang mag-asawa.

"OK kami ng pamilya ko. Wag na po tayo magpakalat ng mga balita na hindi totoo. Humihingi po kami ng respeto para hindi madamay ang mga anak namin ni Danica. Salamat po at God bless po," ayon kay Marc. --FRJ, GMA Integrated News