Matagal na umanong usap-usapan sa isang barangay sa Silvino sa Northern Samar ang tungkol sa umano'y aswang na "wakwak" na gumagala sa kanilang lugar. Hanggang sa isang araw, nabulabog ang mga residente tungkol sa umano'y nakitang aswang.

Nagtungo ang team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa malayong barangay ng Cabungaan para alamin ang totoo tungkol sa umano'y aswang na sinasabing sumuot sa butas ng lupa at nakita kinalaunan matapos itong hukayin.

Ang aswang na "wakwak" ang sinasabing gumagala sa naturang lugar.

Hindi katulad ng ibang aswang, hindi nahahati ang katawan ng "wakwak," at sa halip ay nagpapalit umano ito ng anyo bilang ibon.

Si Aling Liliosa, ikinuwento na noong nakaraang taon ay nakaengkuwentro niya ang wakwak nang magtangka itong pumasok sa kanilang bahay.

Dahil hindi raw niya kilala ang naturang tao, sinabuyan niya ito ng asin.

Sinabing nagbabago ang anyo ng kakaibang nilalang kapag sinabuyan ng asin.

Gayunman, bigla raw nawala ang taong gustong pumasok sa kanila.

Dalawa pang residente sa lugar ang nagkuwento tungkol sa umano'y karanasan nila tungkol sa nakita umanong aswang.

Dahil na rin sa mga kuwento, laging may nakahandang panlaban sa aswang mga tao doon at iniingatan din ang mga bataa pagsapit ng gabi.

Hanggang sa nitong Agosto 7 nang gabi, kumalat ang balita na mayroong wakwak na sumuot sa isang butas sa ilalim ng lupa.

Hinukay ng mga tao ang sinasabing lugar na pinasukan ng pinaniniwalaan nilang aswang. At hindi nagtagal, may nadinig sila na ingay na tila dumadahak at may lumabas na kamay.

Nang tuluyang makalabas na sa ilalim ng lupa, isang matandang babae ang kanilang nakita.

Aswang nga ba ang matandang babae na kanilang nakita o hindi naman? At papaano kaya siya nakapasok sa butas? Alamin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News

Tags:
KMJS