Pinatunayan ng isang ginang na nagda-dialysis sa Quezon City na nagwawagi ang hindi umaayaw. Ito ay matapos manalo siya ng P1 milyon sa segment na "Pera o Kahon."

Sa episode ng "Wowowin-Tutok To Win" nitong Biyernes, sinabi ng kalahok na si Aling Leonora, na tinawagan sa telepono, na mayroon siyang apat na anak na babae, at nagpapa-dialysis na siya.

Pinili ni Aling Leonora ang kahon na may letrang O, at agad itong tinawaran ng TV host na si Willie Revillame ng P60,000.

Itinaas pa ni Kuya Wil ang tawad sa P80,000 bago niya pinapili si Aling Leonora kung pera o kahon.

Pero naging matapang ang ginang sa pagpili sa kahon kaya dinagdagan ni Kuya Wil ang pera sa P90,000 at biglang itinaas sa P150,000.

Dahil matapang pa rin sa kahon si Aling Leonora, tinapatan na siya ni Kuya Wil ng P200,000, at dito na tila lumambot ang ginang at pinili ang pera.

Pero muling nagbago ang pasya ni Aling Leonora at pinili muli ang kahon.

Dito na sinabi ni Kuya Wil na matapang si Aling Leonora at binuksan na ang pinili niyang kahon na may laman na P1 milyon.

Ayon kay Kuya Wil, si Aling Leonora ang ika-21 kalahok na nanalo sa programa ng P1 milyon.

--FRJ, GMA News