Sa programang "Mars Pa More," tinanong si Iya Villania susundan pa ba nila ni Drew Arellano si Baby Alana bago matapos ang 2021.

Ayon sa TV host, bukas siya sa posibilidad na magkaroon ng baby number four pero gusto niya rin sana itong umabot bago ang kaniyang "cut off."

"Sana oo!" sagot ni Iya sa tanong.

Paliwanag ng Chika Minute anchor: "Oo sana. Kasi siyempre hindi naman ako talaga ang magsasabi mars ng oo."

"Hindi rin ako makakapagsabi ng hindi. Kasi minsan 'yung iba humihindi pero nabubuo pa rin, 'di ba?" pagpapatuloy ni Iya.

Ngunit hiling ni Iya, dumating sana ang baby number four nila ni Drew bago ang kaniyang "cut off."

"Let's see, let's see. Pero 'yung cut off ko mars dapat sana next year eh manganak na ako sakali. Kasi you know, mahirap na guys, time is ticking," paliwanag pa niya.

Magiging 36-anyos na si Iya sa susunod na taon, habang 42 naman si Drew.

Mayroon na silang tatlong anak na sina Primo, Leon at Alana.--FRJ, GMA News