Kaya mo bang ipagpag ang alikabok sa iyong mga paa na naglalarawan sa mga bagay na sobra mong kinahuhumalingan? (Marcos 6:7-13)

HINDI na natin maaawat ang pag-inog ng modernong panahon sapagkat ang lahat ng mga bagay na nakikita natin ngayon sa ating kapaligiran ay “hi-tech” na.

Napag-iwanan na ang luma nating pamumuhay. At may mga tao na mistulang hindi na kayang mabuhay kung hindi nila hawak ang kanilang smart phone o gadgets.

Ang kanilang buhay ay parang naka-angkla at nakakabit na sa modernong gamit o teknolohiya. Para bang sinasabi nila na ang kanilang mundo ay umiikot na lamang sa gadgets. Kung wala ito ay parang wala na rin saysay ang mundo.

Ilan pa kayang tao sa mundo o kahit dito sa atin sa Pilipinas ang magsasabing hindi sila makaalis ng bahay nang hindi nila dala ang rosaryo? Malamang kasi, mas marami ang magsasabi na maiwan na nila ang lahat, huwag lang ang cellphone.

Mababasa natin sa Mabuting Balita (Marcos 6:7-13) na isinugo ni Hesus ang kaniyang labindalawang Alagad ng tig-dala-dalawa upang ipangaral ang Salita ng Diyos. Sila’y binigyan ni Hesus ng kapangyarihang na manggamot at magpalayas ng masasamang espiritu.

Ipinagbilin sa kanila ni Hesus na sa kanilang paglalakbay ay huwag silang magdala ng anumang bagay. "Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. Sa inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kaniyang ikabubuhay." 

Winika din ni Kristo sa Kaniyang mga Alagad na sakaling hindi sila tanggapin at pakikinggan sa isang pook o bahay na pupuntahan nila, ipagpag nila ang alikabok sa kanilang mga paa bilang tanda o babala sa mga tagaroon. (Mk. 6:11)

Ang pagpagpag ay nangangahulugan ng pag-aalis ng mga Alagad ng bagahe sa kanilang mga puso. Ito ay ang bagahe ng sama ng loob, hinanakit o kaya’y galit para sa mga taong ayaw tanggapin at pakinggan ang Salita ng Diyos.

Itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa kung kaya rin ba nating ipagpag ang kaniya-kaniya nating bagahe alang-alang sa ating buhay pananampalataya?

Ang mga bagaheng ito na sumisira at humahadlang sa pagyabong ng ating pananampalataya sa Panginoong Diyos. Ito ay naglalarawan sa mga bagay na sobrang kinahuhumalingan ng tao tulad ng karangyaan, kapangyarihan at mga materyal na bagay.

Ipinapaalaala din sa atin mula sa Sulat ni San Mateo (Mateo 16:26) na, “Ano ang mapapala ng isang tao [kung] makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman kaniyang sarili?”

“Sapagkat ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kaniyang buhay?”(Mt. 16:26)

Hindi makakausad ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos hangga’t hindi natin ipinapagpag ang mga bagahe sa ating mga puso. At hindi rin lalago ang ating pananalig hangga’t sinasabi natin sa ating mga sarili, na hindi natin kayang mabuhay nang wala ang mga bagay na sobrang kinahuhulangan natin.

Huwag nating bigatan ang ating paglalakbay patungo sa ating Panginoong Hesus. Ika nga, travel light. Hindi natin matutunton ang direksiyon papunta kay Hesus kung mas matimbang sa atin ang mga bagaheng dala-dala natin.

Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nawa’y mas makita natin ang kahalagahan ng Kaharian ng Panginoong Diyos kaysa sa mga mabigat na bagaheng dala-dala natin. Sapagkat ang mga bagay na ito’y kukupas at maglalaho, pero ang paghahari at pagmamahal ng Diyos ay magpakailanman.

Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, turuan Niyo po kami na maipagpag ang mga bagahe o mga bagay na nagsisilbing hadlang sa pagyabong ng aming pananampalataya sa Iyo.  Nawa’y mas pahalagahan namin ang Iyong Salita kaysa sa mga materyal na bagay. AMEN.

--FRJ, GMA News