Puno ng emosyon ang isang ina nang malaman na ang lalaking nagkunwaring delivery man ay ang kaniyang anak na matagal na niyang hinahanap matapos niya itong ipaampon noong sanggol pa lang.

Kuwento ni Marissa Hewe sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," mahirap ang buhay niya noon at mayroon na siyang isang anak habang nakatira sa Caloocan.

Kaya nang muli siyang mabuntis, inisip niya na walang magiging magandang kinabukasan ang sanggol kung lalaki ito sa piling niya.

Bukod doon, iniwan pa siya ng kaniyang asawa kaya mag-isa siyang kumakayod sa pamamagitan ng pagiging kasambahay at pagtatahi ng teddy bear na laruan.

Hanggang sa kausapin siya ng kaniyang kapitbahay na si Bebe na aampunin ang kaniyang anak sa halagang P500.

Bagong taong noong 1996, isinilang ni Marissa ang anak niyang lalaki. Pero isang araw lang makalipas nito, kinuha na ni Bebe ang bata.

Ngunit pagkaraan ng isang linggo, ninais ni Marissa na bawiin na ang anak pero sinabihan siya ni Bebe na dinala sa Amerika ang bata ng umampon sa kaniya.

Tuluyan nang nawalan ng pag-asa si Marissa na mahanap pa ang anak nang lumipat ng tirahan si Bebe.

Pagkalipas ng 26 na taon, naging maayos na ang buhay ni Marissa, at may sarili na ring pamilya ang kaniyang anak. Subalit hindi nawala sa isip ni Marissa ang anak na ipinaampon niya.

Hanggang sa isang araw, isang lalaki na nagngangalang Romy ang lumapit sa kaniya at nagpakilalang siya ang asawa ni Bebe.

Ayon kay Romy, taong 2011 nang pumanaw si Bebe pero batid niya ang ilang impormasyon tungkol sa ipinaampon nilang bata, at kung saan ito maaaring matagpuan.

Dito na muling nabuhayan ng pag-asa si Marissa hanggang sa matunton na naninirahan ngayon sa Davao City ang pinaniniwalaang anak niya.

Tunghayan ang nakaaantig na pagkikita ng mag-ina nang magpanggap na delivery man ang anak para sorpresahin ang kaniyang ina.

Panoorin ang video ng "KMJS" at alamin kung nagtanim ba ng galit ang anak sa kaniyang ina dahil ipinaampon siya.

--FRJ, GMA News