Hindi maramot ang Panginoon, subalit lagi Niyang isinasa-alang alang kung ano ang makabubuti para sa atin (Mateo 7:7-12).

“Humingi kayo at kayo’y bibigyan. Humanap kayo at kayo’y makakatagpo. Kumatok kayo at kayo’y pagbubuksan”. (Mateo 7:7)

MATAPOS kong mabasa ang talatang ito, bigla kong naalala ang isang tao na kakilala ko na mayroong nililigawan noon na magandang dalaga.

Sobrang na in-love ang lalaki sa babae. Ipinanalangin pa nga niya sa Panginoong  Diyos na sana ay ipagkaloob sa kaniya ang babaeng minamahal niya.

Subalit hindi sinagot ng babae ang kakilala kong lalaki.

Matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Mateo 7:-7-12) na napakalinaw na winika ni Hesus na, “Humingi kayo at kayo’y bibigyan.” Ngunit bakit kaya hindi ipinagkaloob ng Panginoong Diyos ang hinihingi ng lalaki tungkol sa babaeng kaniyang iniibig? 

Kapag tayo ay nananalangin para humiling sa Diyos, tandaan lamang natin na ang pangunahin nating pangangailangan at ang makabubuti para sa atin ang ibibigay ng ating Panginoon.

Kahit may hiniling tayo na gustong-gusto nating makamit, kung ito naman ay makakasama, hindi pa rin Niya ito ipagkakaloob.

Walang magulang na katulad ng ating Panginoong Diyos na magkakaloob ng mga bagay na ikasisira at ikasasama ng kaniyang anak. Siya ay isang mabuting Ama, kaya walang Ama ang magbibigay ng isang bagay na ikapapahamak ng kaniyang anak.

Mayroong tatlong kadahilanan ang kailangan natin isaalang-alang upang maunawaan natin ang kalooban ng Panginoong Diyos patungkol sa ating mga hinihiling sa Kaniya.

(1) Ang ating hinihingi ba sa Diyos ay makabubuti para sa atin? Hindi ba nito sisirain ang ating moral values?

Sa kuwento ng lalaki, hindi ipinagkaloob ng Panginoon ang babaeng kaniyang iniibi kahit pa mataimtim ang kaniyang pananalangin. Pero sa paglipas ng panahon, lumitaw na may ugali ang babae na hindi kanais-nais.

Kung pinagkaloob kaya ng Diyos ang hinihingi ng lalaki at nagkatuluyan sila ng babae, ano kaya ang magiging buhay niya sa piling nito? Samantalang naging maganda ang pagsasama nila ng ibang babae na kaniyang minahal.

Lagi nating tatandaan na magtiwala lamang tayo sa Panginoon sapagkat tanging kabutihan lamang ang Kaniyang iniisip para sa atin. Kaya huwag sasama ang loob natin kapag hindi ipinagkaloob ng Diyos, o hindi Niya kaagad ipinagkakaloob ang hinihingi natin.

(2) Ang ating hinihingi ba sa Diyos ay makabubuti para sa ating kapuwa? Hindi ba nito sisirain ang ating relasyon sa ating pamilya, mga kaibigan at sa mga taong malapit sa atin?

(3) Ang hinihingi ba natin sa Diyos ay hindi makasisira sa ating relasyon at ugnayan sa Kaniya? Makabubuti ba ito para mas lalong yumabong ang aking “spiritual life” at “spiritual obligation” sa Diyos?

Hindi maramot ang Panginoong Diyos, at lalong hindi Siya konsintidor. Hindi Niya basta-basta o agad-agad na ipagkakaloob ang mga hinihingi natin. At kung minsan, ipinagtataka natin na ibang biyaya ang dumarating sa atin na higit pa sa ating ninanais.

Sadyang matalino ang ating Panginoon dahil alam niya kung ano ang mas kailangan natin. Maaaring may iba Siyang ibinibigay sa atin at kailangan lamang nating buksan ang ating puso at isip.  Pakatandaan na hindi Niya tayo kailanman pababayaan. AMEN. 

--FRJ, GMA News