May mga pagkakataon na nasasawi ang taong nabulunan lalo na ang mga bata. Pero bakit nga ba ito nangyayari at ano ang dapat gawin upang maisalba ang taong nabulunan?

Sa programang "Dapat Alam Mo," ipinakita ang CCTV footage sa loob ng isang bahay kung saan may isang bata na apat na taong gulang ang nabulunan.

Mabuti na lamang at may kasama ang bata na mga nakatatanda na nasa kusina at natulungan siyang maalis ang nakabara sa kaniyang lalamunan.

Ayon kay Aian Lazaro, inakala nila na nabilaukan lang ang bata. Pero nang patuloy na nahihirapan ang pamangkin, ginawa na niya ang ginagawa sa mga batang nabubulunan.

Sa gitna ng mga pangyayari, sinabi ni Lazaro na sinikap niyang maging kalmado.

Mapalad na nakaligtas ang pamangkin ni Lazaro. Pero ang dalawang taong gulang na anak ni Abegail Estupin, nasawi nang nabulunan noong 2014.

Ayon kay Estupin, maliligo siya noon nang hindi niya nalaman na kumuha pala ng gelatin sa ref ang kaniyang anak.

Nang lumabas siya ng banyo, nakita niyang wala nang malay ang bata. Dinala niya sa ospital ang anak pero binawian na ng buhay.

Ayon sa nurse at trainer na si Cathlen Ann Santos, nababarahan ang tubo na daanan ng oxygen kapag nabubulunan ang isang tao.

Ito ang dahilan kaya nahihirapan makahinga ang nabubulunan at nauuwi sa pagkamatay kapag hindi kaagad natanggal ang pagkain o bagay na nakabara sa lalamunan.

"Ang nangyayari kasi pumupunta ang puwedeng foreign object o pagkain sa maling daanan which is daanan ng hangin," ani Santos.

"Dalawa kasi ang daanan o tubo. Kapag kumain tayo, dapat nakadiretso o pupunta siya sa daanan ng pagkain which is tinatawag nating esophagus," patuloy niya.

Ngunit may pagkakataon umano na ang pagkain, napupunta sa trachea.

"Pero may mga pagkakataon na minsan distracted tayo or hindi tayo focus sa kinakain natin, napupunta siya sa maling tubo which is trachea na tinatawag natin, na daaanan ng hangin," paliwanag pa ni Santos.

Kapag may nabulunan, ang dapat gawin ay ilalagay sa ibabaw ng pusod (two o three fingers) ang isang kamay na nakatikom ang kamao.  Iyayakap naman sa pasyente ang isa pang kamay hanggang sa maabot ang nakatikom na kamay.

Kasunod nito ay limang beses na gagawin ang tinatawag na abdominal thrusts, o ang pagtulak paitaas sa sikmura para maisuka ng biktima ang pagkain na nakabara.

Panoorin ang video para sa tamang demonstrasyon ng abdominal trash.

--FRJ, GMA News