Para parehas ang laban ng mga motorsita sa "number coding" scheme, nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na parehong numero sa last digit ng plaka ang ibigay sa motoristang magpaparehistro ng bagong sasakyan.
Sa ganitong paraan, ipinaliwanag ni MMDA chairman Romando Artes, na hindi na umano maiengganyo ang mga Pinoy na bumili ng bagong sasakyan para makaiwas sa number coding gamit ang ibang sasakyan na iba ang ending ng numero sa plaka.
“Sumulat ang MMDA sa LTO (Land Transportation Office) para ang bibili ng bagong sasakyan na may existing na sasakyan ang ma-issue na ending plate ng bago niyang bibilhing sasakyan ay katulad ng existing na sasakyan nila,” pahayag ni Artes sa Talk to the People nitong Lunes ng gabi.
“Kunwari si Juan bumili ng sasakyan mayroon na siyang dating sasakyan ang ending plate ay 0, hihilingin po natin sa LTO na ang i-issue na plaka sa bagong sasakyan ay 0 din para di makaiwas sa number coding scheme,” patuloy niya.
Itinanggi rin ng opisyal na “anti-poor” ang iminumungkahing bagong number coding dahil hindi naman daw kasali rito ang mga public utility vehicles na ginagamit sa transportasyon ng mga walang sasakyan.
Bagong Coding Scheme
Sa mungkahing bagong number coding scheme ng MMDA, inaasahan umano nilang mababawasan ng 40 porsiyento ang mga sasakyan sa kalye sa oras na umiiral ang plano.
Sa halip na isang araw lang mahahagip ang ending plate ng isang sasakyan, magiging dalawang araw na ito sa bagong coding scheme na mula 5 p.m. hanggang 7 p.m.
May mungkahi rin na ipatupad ito sa umaga ng 7:00 hanggang 10:00 am.
Ang mga plaka na ang ending ng numero ay 1 at 2 ay sapul sa Lunes at Miyerkules; ang 3 at 4 sa Lunes at Huwebes; ang 5 at 6 tuwing Martes at Huwebes; 7 at 8 sa Martes at Biyernes; at ang 9 at 0 tuwing Miyerkules at Biyernes.
Hindi naman kasali ang mga Public utility vehicles (PUV) tulad ng bus, jeepney, taxi, at mga ride-hailing services.
Ipinadala na umano ng MMDA ang kanilang mungkahi sa Metro Manila Council para maaprubahan, at nais nilang maipatupad ito sa unang araw ng Mayo.
Hirit ng MMDA, pag-aaral ng LTO
Ayon naman kay LTO chief Edgar Galvante, natanggap na nila ang mungkahi ni MMDA tungkol sa pagbibigay ng parehong huling numero ng plaka na ibibigay sa panibagong sasakyan na ipaparehistro ng motorista.
“Natanggap namin 'yung sulat pero pag-aaralan namin ang mechanics. And in fact, sila rin nag-propose na mag-meeting kami,” ani Galvante.
Bagaman "doable" o maaaring ipatupad ang mungkahi ng MMDA, sinabi ni Galvante na may mga proseso na kailangang baguhin gaya ng pagberipika sa tunay na may-ari ng bagong sasakyan.
“Meron po d'yang kailangang adjustments na gawin. For example, belonging to same household, iibahin lang 'yung pangalan nung may-ari, anong pagbabatayan mo?” paliwanag niya.
—FRJ, GMA News

