Kahit bahagi ng malaking lungsod ng Davao, wala kahit na hanging bridge ang isang sitio sa Barangay Tambobong. Kaya ang mga residente rito, kailangang suungin ang rumaragasang ilog ng Tamugan para makarating sa ospital, paaralan at iba pang mahahalagang pasilidad.

Si Jason Lowengo,matagal nang tinitiis ang pananakit sa sikmura at apat na taon nang namamaga ang paa. Dahil sa kaniyang kondisyon, hindi siya makalakad kaya hindi niya kayang tawirin ang ilog para makapagpatingin sa ospital.

“Walang health center dito sa barrio, nandun pa sa Calinan. Kung masakit ang aking tiyan tinitiis ko lang,” saad niya.

Upang makapagpasuri sa duktor, nagtulong-tulong ang kaniyang mga kapitbahay para buhatin siya. Naging makapigil hininga ang bawat galaw nila upang maitawid si Jason sa ilog at hindi sila tangayin ng agos.

Pagkatapos maitawid sa ilog, isinakay naman si Jason sa kabayo para madala sa lugar kung saan puwedeng maghintay ang ambulansiya sa ibaba ng bundok.

Sa ospital, nakita na may prostate enlargement si Jason at may nakikitang problema rin sa kaniyang spinal cord na kailangang isailalim sa MRI.

Mapalad si Jason na nakarating sa ospital at nasuri. Ang iba kasing kalugar niya, hindi na nadadala o kaya naman ay hindi na umaabot nang buhay sa pagamutan.

Gaya ng 23-anyos na si Melvin na pumanaw dahil sa tuklaw ng ahas.

“Pagdating diyan sa tawiran, hindi na raw siya makahinga. Pagyakap ko sa kanya, pumikit na siya,” malungkot na kuwento ng ina ni Melvin na si Sosita Gasao. “Kung ok lang sana ang daanan namin dito makakapasok ang sasakyan, buhay pa siya dahil mabilis siyang madala sa ospital.”

Problema rin ng mga residente ang pagguho ng lupa. Gaya nang nangyari nang dadalhin sana ang mga labi ni Melvin sa chappel.

“Pagtingin namin, dahan-dahan nang natutumba ‘yung mga kahoy. Mga bato, bumagsak talaga. Sumigaw kami na, ‘Tumakbo kayo!’ Hindi na kami makatawid nun dahil nagbagsakan na ‘yung aming daanan,” ani Sosita.

“Madadamay sana ‘yung 18 na tao na bumubuhat sa kanya. Hanggang ngayon hindi ko matanggap ang nangyari,” pahayag niya na mabuti na lamang na walang napahamak.

Nasa 20 pamilya ang naninirahan sa Sitio Kibidtud. Wala silang kuryente at water supply, at mahina ang signal. Kaya sa gabi, gumagamit ng gasera ang mga residente.

Pero kahit mahirap ang kanilang kalagayan, desidido ang mga kabataan na makapagtapos ng pag-aaral at abutin ang kanilang pangarap. Gaya ni Karen, 11-anyos, na gustong maging guro.

“Naglalakad lang ako papunta dito sa eskuwelahan. Mahirap talaga kasi tatawid pa ako ng sapa,” pahayag niya. “Nag-eskuwela pa rin ako dahil may pangarap ako sa buhay.”

“Ang gusto ko mapagawa ng tulay diyan para hindi na kami mahihirapan sa pagtawid,” ani Karen.

Sa pagpasok nila sa paaralan, kailangan ding tawirin ng mga estudyante ang ilog. Inilalagay nila ang kanilang mga damit at gamit sa plastic para hindi mabasa.

Para hindi tangayin ng tubig, kailangan nilang humawak sa lubid. Kapag nakatawid na, isasabay ng mga bata ang paliligo, pagsuot ng damit, at saka pupunta sa paaralan.

“Mga 80% ng estudyante po, galing sa Kibidtud. Malakas ‘yung current ng tubig po kaya ‘yung mga bata, kawawa talaga,” sambit ng guro na si Lea.

Ayon kay Sammy Sadani, Purok Leader, bata pa lang siya ay ganoon na ang sitwasyon sa kanilang lugar. May mga nagbuwis na umano ng buhay sa buwis-buhay na pagtawid sa ilog.

Kaya naman hangad din ni Sammy na sana ay magkaroon na ng katuparan ang hangarin nilang magkaroon sila ng tulay kahit na hanging bridge lang upang hindi malagay sa peligro ang kanilang buhay.

May pag-asa naman kayang matupad ang matagal nang hangarin ng mga residente? Alamin ang paliwanag ng isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News