Kung mayroong mga kasalan na matatag at tumatagal ng maraming taon, mayroon din namang mga kasalan sa showbiz na nagkakaproblema at nauuwi kaagad sa hiwalayan. Ang pinakamabilis na hiwalayan, hindi pa umabot ng isang buwan ang pagsasama.

Sa video ng "Kalurks" nina Boobay at Pepita Curtis, kasama si Buboy Villar, sa GMA comedy Youtube channel na "YouLOL," pinag-usapan nila ang top 7 na kasalan ng ilang artista na mabilis nagwakas.

7. Kylie Padilla at Aljur Abrenica

Ikinasal sina Kylie at Aljur noong Disyembre 2018 matapos ang pitong taon nilang pagiging magkarelasyon.

Ngunit naging trending sina Kylie at Aljur sa kasagsagan ng pandemya nang pag-usapan ng netizens ang mga pino-post nilang cryptic posts tungkol sa pagkalagay umano sa alanganin ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa.

Hanggang sa nitong 2021, kinumpirma nilang naghiwalay na sila.

6. Cristine Reyes at Ali Khatibi

Ikinasal sina Cristine at Ali noong Enero 2016 sa isang civil ceremony sa Balesin.

Pero matapos ang dalawang taong pagiging mag-asawa, napabalita noong 2018 na nagkahiwalay na sila.

"Ideally, it shouldn't end, but it depends on the circumstances... But for me, if you're not happy, you should do something about it," pagkumpirma ni Cristine noong 2019, kung saan sinabi niyang "We're civil" ang status nila ni Ali.

5. Aiko Melendez at Martin Jickain

Tumagal lamang ng isang taon ang buhay mag-asawa nina Aiko at Martin.

Nagpakasal sila noong Pebrero 2006 pero matapos ang isang taon, nagsampa na ng kaso si Aiko dahil umano sa physical abuse.

4. Kristine Hermosa at Diether Ocampo

Ayon sa ilang usapan, nagkaroon sina Kristine at Diether ng "secret marriage" noong Setyembre 2004.

Ngunit matapos ang siyam na buwan, Hunyo noong 2005 nang magsampa ng nullification of marriage si Kristine. Gayunman, inabot ng apat na taon ang proseso ng kanilang annulment.

3. Meryll Soriano at Bernard Palanca

Setyembre 2006 nang ikasal sina Meryll at Bernard.

Gayunman, naging kontrobersiyal ang kanilang kasal matapos hindi dumalo sa seremonya ang mga miyembro ng pamilya ni Meryll.

Limang buwan lamang tumagal ang buhay mag-asawa nina Meryll at Bernard.

2. Carla Abellana at Tom Rodriguez?

Matatandaang ikinasal sina Carla at Tom sa kalagitnaan ng pandemya noong Oktubre 2021.

Ngunit tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas, naging usap-usapan ang couple nang mag-post din ng cryptic posts ang dalawa na tila "on the rocks" ang kanilang pagsasama.

Gayunman, hindi pa kinukumpirma nina Carla at Tom ang kanilang hiwalayan. Kaya inihayag din nina Boobay na puwedeng maalis sa kanilang listahan ang dalawa.

Umaasa rin sina Boobay na magiging maayos ang lahat sa pagsasama nina Carla at Tom.

1. AiAi Delas Alas at Jed Salang

Tila maituturing na pinakamaikling pagsasama sa showbiz ang buhay may-asawa nina AiAi at Jed, na tumagal lamang ng 29 araw.

Ikinasal sina AiAi at Jed sa Las Vegas noong 2013.

Pero sa isang panayam sa kaniya ni Boy Abunda, kinumpirma ni AiAi na nagkahiwalay na sila ni Jed. --FRJ, GMA News