Hindi inakala ni Bianca King na ang dinaluhan niyang kasal ng isang kapuwa aktres ang magiging daan para siya naman ang susunod na ikakasal. At ngayon, pareho pa silang buntis at magkakaroon ng kani-kanilang first baby.

Sa latest episode ng "Updated with Nelson Canlas," sinabi ni Bianca na sa kasal ni Iza Calzado niya nakilala ang kaniyang mister na si Ralph.

Kuwento pa ni Bianca, nangyari iyon noong December 2018, na early 30s ang kaniyang edad at nag-e-enjoy sa kaniyang pagiging single.

"Hindi na ako naghahanap ng boyfriend eh, parang sobrang saya ko na mag-isa nu'n. Nandoon na ako sa mindset na 'yon na, if it happens, it happens, if it doesn't I love my single life," saad ni Bianca na buntis na ngayon.

"I was my healthiest self — my mind, my body was my own. I was traveling the world. I really wasn't expecting anything," patuloy niya.

Habang papunta sa Palawan kung saan idinaos ang kasal nina Iza at Ben, nasambit ni Bianca sa sarili na, "Parang I might meet someone here."

At doon na nga nakilala ni Bianca si Ralph, ang kapatid at best man ng groom na si Ben.

"So no'ng nakita ko na siya doon sa wedding, when he was giving his speech, he's so eloquent," ayon kay Bianca. "He's so funny, so good looking. Sabi ko, that's my next boyfriend."

Higit sa pagiging magkasintahan ang naging relasyon nina Bianca at Ralph dahil noong June 2021, nagpakasal sila pagkaraan ng dalawang taon matapos silang magkakilala.

At matapos ang mahigit isang taon ng pagsasama bilang mag-asawa, magkakaroon na sila ng anak, na sabay pa kina Iza at Ben.— FRJ, GMA News