Pagsapit ng katapusan ng buwan, pinoproblema ng marami si "Judith" o ang kanilang due date sa bill ng kuryente. Kaya naman ang isang organisasyon, bumuo ng solar lights na tipid sa kuryente at nagbibigay ng liwanag sa mga tahanan.

Sa "iJuander" sinabing base sa datos ng Department of Energy noong 2021, nasa 1.62 milyong kabahayan sa bansa ang hindi naaabot ng kuryente.

Isa na rito ang Nursery Compound sa Barangay Talon Dos sa Las Piñas City, na limang taon na umanong wala pa ring kuryente kahit nasa siyudad lamang sila.

Nasa 100 pamilya ang naninirahan sa compound, na ang iba ay nagbabayad ng P70 kada gabi para makigamit ng generator at mailawan ang kanilang tahanan pagsapit ng dilim. 

Pero ang ilang komunidad, dumidiskarte sa paggamit ng solar lights na nilikha ng Liter of Light Foundation.

Ang isang solar light ay binubuo ng LED, switch, jack na isasaksak sa pagkukuhaan ng solar power, at recycled bottle na magsisilbing diffuser.

Hindi na ito mangangailangan pa ng kuryente dahil kapag ibinilad ito sa araw ay maaari nang magbigay ng liwanag sa gabi. Ang naturang proyekto, nakarating na raw 32 iba pang bansa.

Paano nga ba binubuo ang isang solar light na kaya nang buuin ng sinumang gagamit nito? Tunghayan sa video. --FRJ, GMA News