Sa loob ng dalawang minuto, anim lang ang nasagot ni Michael V. o Bitoy sa mga tanong ni Boy Abunda sa segment "Fast Talk ng show nito. Nahirapan ba sa mga tanong ang Kapuso Comedy Genius? Alamin.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" ngayong Lunes, ibinida ni Bitoy na pinaghandaan niya at pinag-aralan niyang mabuti ang naturang segment na paramihan at pabilisan ng sagot sa mga tanong sa loob ng dalawang minuto.

“Pinaghandaan ko talaga 'to. Pinanood ko 'yung episodes nung ibang celebrities na nag-guest dito. Inaral ko 'yung pattern of questioning mo, alam mo naman ako, hindi ako sasabak sa hindi ko talaga alam,” kampanteng sabi ni Michael V kay Tito Boy.

Hirit pa ng komedyante, dapat daw na palitan ang naturang segment ngayong siya ang sasalang.

“I would say you have to change the title, baka gawin na natin 'tong 'Fastest Talk,' dahil second season iba na e. May dagdag ka sana na questions diyan kasi mabilis lang 'to promise,” sabi ni Bitoy.

Pero kabaligtaran ang nangyari nang simulan na ni Tito Boy ang pagtatanong na nagsimula sa: “Bitoy o Pitoy?”

“Sino 'yon?,'” tanong ni Michael V matapos na mag-isip. Napatawa na lang si Tito Boy, at napatanong din kung ano ang gagawin nilang dalawa sa segment.

Nang matapos ang dalawang minuto, anim na tanong lamang ang nasagot ng komedyante na "record ito," ayon kay Tito Boy.

“I loved it. This is the first time I did 'Fast Talk' with six questions and that goes for the book,” sabi pa ng King of Talk.

Humingi naman ng paumanhin si Michael V at nagpaliwanag na, "I think nag-over prepare ako.”

Alamin sa video ang iba pang tanong ni Tito Boy na nagpaisip kay Bitoy ng kaniyang isasagot. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News