Game na sinagot ni Pops Fernandez ang mga tanong tungkol sa kaniyang naging love life noon pati na ang pagkakaroon niya ng boyfriend na mas bata sa kaniya.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, ikinuwento ni Pops na naging boyfriend niya noon sa "telepono" ang singer na si Randy Santiago, at nanligaw sa kaniya si Gary Valenciano.

BASAHIN: Pops Fernandez, naging nobyo si Randy Santiago sa 'telepono'; niligawan din ni Gary Valenciano

Ibinahagi rin niya kung bakit si Martin Nievera ang kaniyang nakatuluyan.

Sa Fast Talk segment, tinanong naman si Pops kung willing siyang magkaroon ng boyfriend na bagets o mas bata sa kaniya.

"Yes!," natatawa niyang sagot. "Nagawa ko na yata 'yon many times."

Matapos silang maghiwalay ni Martin, naugnay noon si Pops sa mga mas batang lalaki kabilang ang model na si Brad Turvey.

Sa panayam noong 2021 ni Dr. Vicki Belo, sinabi ni Pops na nakaramdam siya ng panghuhusga dahil sa pakikipag-date niya sa mga mas bata sa kaniya.

"[People] don't see it as an honest-to-goodness relationship," saad niya sa naturang dating panayam ng celebrity doctor. "I went through a lot of that and I cried about those things."

Sa Fast Talk, sinabi ni Pops na, "Iba naman. Yung may edad naman sana."

Inamin din ni Pops na may mga politikong nanligaw sa kaniya pero hindi niya sinagot ang mga ito dahil "single" ang gusto niya.

Nang tanungin si Pops kung handa ba siyang magmahal muli, malakas na "Yes!" ang isinagot niya.— FRJ, GMA Integrated News