Dahil sa inis sa pagkiskis sa kaniyang likuran, dinakma at pinisil nang todo ng isang babae ang ari ng isang lalaki na kapuwa niya pasahero na nakatayo sa loob isang modern jeepney na Cebu.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing 19-anyos na estudyante ang biktima, habang 28-anyos naman ang suspek na dinakip ng mga awtoridad dahil sa nangyaring insidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing sakay ng modern jeepney ang dalawa na biyaheng Talisay City patungong Cebu City.

Dahil puno na ng pasahero ang sasakyan, parehong nakatayo na ang suspek at biktima.

Hanggang sa naramdaman umano ng biktima na dumidikit ang maselang bahagi ng katawan ng suspek sa kaniyang likuran.

Sinubukan umano ng biktima na bahagyang lumayo sa suspek para iiwas ang kaniyang likuran pero dumidikit pa rin sa kaniya ang lalaki.

Iniwasan pa raw muna ng biktima na mag-isip ng masama laban sa suspek dahil baka nawawalan lang ng balanse ang lalaki habang umaandar ang jeepney at nagpepreno.

Pero nang mapansin niya na sinasadya na talaga ng lalaki na idikit ang ari nito sa kaniyang likuran, hindi na nakatiis sa galit ang babae kaya dinakma niya ang ari nito at mariing pinisil.

Ikinagalit ng suspek ang ginawa ng babae na dahilan para magkaroon ng komosyon sa loob ng jeep. Dahil may pulis malapit sa lugar, dinala ang suspek at ang biktima sa Police Station 7 sa Barangay Inayawan.

Sa huli, nagpasya ang biktima na huwag nang ituloy ang reklamong acts of lasciviousness laban sa suspek. -- FRJ, GMA Integrated News