Kinagiliwan ng netizens ang isang Aspin na todo-puppy eyes pa at tila best “aww-ctor” nang magpabebe ito matapos makaramdam ng antok sa Malibay, Pasay City.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakilala ang dalawang-taong-gulang na Aspin na si Dos mula sa Vizcarra, na tila inaapi at mukhang kawawa habang inaasar ng mga taong nakapaligid sa kaniya.

Sinabi ng uploader na si Ainjel Zamora na nakatambay sila sa bahay ng amo ni Dos nang biglang magpabebe ang aso.

“Disoras na kasi ng gabi that time. Nakatambay kami sa bahay ng friend namin. Si Dos, biglang nagpabebe sa amo niya kasi antok na raw. So ‘yung friend ko na rinig sa video, inaasar asar si Dos na paawa, kaya nag-start mag-react nang gano’n si Dos,” kuwento ni Zamora.

Ayon pa kay Zamora, na gaya ng maraming Aspin, sadyang sweet at malambing si Dos, ngunit likas din ang pagiging pabebe at maarte nito lalo kung may mga bisita sa kanilang bahay.

Buti at agad itong nakuhanan ni Zamora ng video, dahil ito ang unang beses na sumobra sa pagpapabebe si Dos.

Kinagiliwan ng netizens ang video ni Dos.

Biro ng netizens, dapat mag-sorry ang mga nang-aasar kay Dos dahil kahit pabebe ito ay ngumunguya pa rin ito ng tsinelas.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News