Isang lugar sa Guiuan, Eastern Samar ang dinayo umano noon ng mga treasure hunter para maghukay ng mga antigong gamit at alahas. Hanggang kamakailan lang sa nasabi ring lugar, isang lumang banga ang nahukay ng mga gumagawa ng poso negro at nakita sa loob nito ang mga buto ng tao at dalawang piraso ng hikaw na ginto. Saan kaya galing ang mga ito at ano ang kaugnayan nito sa ating kasaysayan?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nakita ang lumang banga sa lupang pag-aari na ngayon ni Ricamel Rama, sa Barangay Butak.

Habang naghuhukay ang mga trabahador na sina Floro at kaniyang kasama, para sa gagawing poso negro, nakita nila ang nakabaon na malaking banga.

Maingat nila itong hinukay at iniangat. Gayunman, nabasag pa rin ang banga. Sa loob nito, nakita ang mga piraso ng buto ng tao, dalawang tila hikaw na ginto, at isang maliit na banga.

Kaagad naman nilang ipinaalam kay Rama ang kanilang nadiskubre.

Dito naalala ni Rama na noong 1980's, dinayo ng mga treasure hunter ang kanilang lugar para maghukay ng mga antigong mga gamit at alahas.

Ngunit ang dating may-ari ng lupa na kinatitirikan ng bahay ni Rama, hindi umano pumayag na hukayin ang kaniyang lugar dahil guguho ang dati nitong bahay.

Pinatotohanan naman ng ilang residente na maraming antigong gamit at alahas na nakita noon sa kanilang lugar.

Ang mga bagay na nahukay umano sa lugar, pinaniniwalaan na nauna pa sa mga Portuguese explore na dumating sa bansa, gaya ni Ferdinand Magellan,

Ayon sa historian na si Dr. Rolando Borrinaga, pagpapatunay ito na matagal na panahon nang may sibilisasyon sa bansa.

"Malalaman talaga natin na may civilization, mayroon na silang mga datu noon, saka different social classes. May boats, may trading na sila with China and several other places," paliwanag niya.

Ang ilan sa mga lumang gamit na nahukay sa lugar gaya ng tasa at plato, may nakasaad na gawa sa China.

Napag-alaman din na ang Butak ang isa sa mga pinakaunang lugar kung saan nanirahan ang mga tao.

"Doon nagpunta yung missionaries, doon sila naggawa ng church, doon na rin inilibing yung mga patay," ayon kay Borrinaga.

Pero ano nga ba ang banga na nahukay sa bakuran ni Rama, at bakit mayroon itong buto, gintong hikaw, at maliiit na banga? Ano ang kaugnayan nito sa kasaysayan at dapat bang ipagbigay-alam sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan kapag may nakitang ganitong bagay? Alamin ang buong ulat sa video na ito ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News