Nabahiran ng  kontrobersiya ang 72nd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awarding ceremony nitong Linggo dahil umano sa pag-"snub" sa veteran actress na si Eva Darren.

Ngayong Lunes, nag-post sa social media si Fernando de la Pena, anak ni Darren, dahil sa hindi umanong magandang karanasan ng kaniyang ina sa naturang pagtitipon na ginanap sa The Manila Hotel nitong Linggo.

Kuwento ni de la Pena sa post, hindi karaniwang dumadalo ang kaniyang ina sa mga social event.
Pero nang makatanggap siya ng imbitasyon para magbigay ng award kasama ang veteran actor na si Tirso Cruz III, pati na ang pagkakaroon ng "script to go over and memorize," pumayag ang beteranang aktres.

"Mom was excited, bought the best dress and pair of heels she could afford and topped that with a nice package of hair and make up for the gala," saad ni de la Pena.

Isinama pa umano ng veteran actress ang tatlo nitong apo at nagbayad para sa dinner na nagkakahalaga ng P5000 per plate, at sa kabila pa ng bagyo.

Ang sandaling iyon din sana ang muling pagbabalik ng kaniyang ina sa FAMAS mula noong 1969 nang manalo itong Best Supporting Actress para sa role sa pelikulang "Ang Pulubi."

Gayunman, hindi nakatapak sa entablado si Darren at iba ang nakasama ni Tirso na nag-present ng award.

"After the glitz and glamour shots with air-cheek-kisses and what not, everyone eventually took their seats and the awarding commenced. During the point where she was supposed to present an award, her partner, Mr. Tirso Cruz III went upstage with an upcoming young singer instead. Not my mom," paglalahad ni de la Pena.

Ayon kay de la Pena, puro paghingi ng paumanhin pero wala umanong naibigay na paliwanag ang public relations officer na nakipag-ugnayan sa kaniyang ina kaugnay sa nangyari.

"My Mom said 'it’s okay' but decided to leave nonetheless. I couldn’t blame her. Staying around was just rubbing salt on her FAMAS-inflicted wounds," patuloy ni Pena.

"It is rude. It is disrespectful. It is unethical. It is unprofessional to say the very least," dagdag niya.

Sa panayam sa telepono ng GMA News Online kay Francia Conrado, presidente ng FAMAS, nalaman lang daw niya ang nangyari nitong Lunes ng umaga.

"Apparently, hindi siya nahanap ng ushers," ani Conrado, na ang mga usher umano ang sumusundo sa mga participant at dinadala sila sa backstage.

"May konting lapses, live kasi" dagdag niya.

Nakikipag-ugnayan daw siya sa "production people,"  at sinabi ni Conrado na "this is out of my control but it is something we need to resolve. If we have to, kung kailangang, bibisitahin namin sila."

"I feel so sad about it," patuloy ni Conrado. "Kung ako 'yon, ganun din ang mararamdaman ko. Pero hindi siya sinasadya. There was nothing deliberate."

Kabilang sa mga big winner sa FAMAS Awards kagabi ay sina Piolo Pascual at Alfred Vargas, Kathryn Bernardo, Gloria Diaz, at Kapuso couple Dingdong Dantes at Marian Rivera. — FRJ, GMA Integrated News