Matapos ikasal noong 2018, may dalawang anak na ngayon sina Rachelle Ann Go at asawa niyang si Martin Spies na sina Lukas Judah at Sela Teruah. May plano na kaya silang magka-third baby at bakit nga ba niya tinatakpan ang mukha ng mga bata sa ilang social media post?
"Gaano ka kahandang magka-third baby?" tanong ni Tito Boy kay Rachelle sa Fast Talk segment ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.
"Gusto ko pa sana Tito Boy, but walang help sa London. But we'll see," paliwanag ni Rachelle.
Samantala, nagpaliwanag din si Rachelle kung bakit tinatakpan niya ang mukha ng kaniyang mga anak sa ilan niyang social media post.
"Ang gulo po ng mundo ngayon, Tito Boy, eh," tugon ni Rachelle.
"Ayoko lang magamit 'yung litrato po ng mga anak ko. So mas magandang protektahan po," pagpapatuloy niya.
Nakabase ngayon sina Rachelle at Martin sa London, United Kingdom.
Dahil isang South African si Martin, tatlong lenggwahe ang natututuhan ng kanilang mga anak.
"Tatlong lengguwahe po 'yung natututuhan ngayon ng mga bata," pagbabahagi ni Rachelle, na sinabing Tagalog ang kaniyang itinuturo sa mga anak samantalang Afrikaans naman si Martin.
Bilang magulang, iniiwasan din ni Rachelle ang pamamalo, kundi kinakausap niya nang mahinahon ang mga anak.
"Hindi po ako namamalo, Tito Boy, eh. Kasi uso sa 'Pinas ang pamamalo, pero sabi ko, 'yung sa mga anak ko, tina-try po ang gentle parenting. Ang hirap."
"Lalo na po 'yung panganay ko. He's turning four. Mas gusto niya ang gano'n, Tito Boy. Usapan. Ayaw niya ng harsh. Gusto niya ng sweet lang. Do'n bumababa po 'yung kaniyang anger," dagdag niya.
Gumaganap si Rachelle bilang si Gigi sa "Miss Saigon," at bahagi rin siya ng Europe at Australia tour ng "Les Miserables" bilang si Fantine.-- FRJ, GMA Integrated News