Muling magsasanib-puwersa ang GMA Network at ABS-CBN para ihatid ang inaasam ng fans na "Pinoy Big Brother Celebrity Edition Collab."

Sa Chika Minute report ni Iya Villania sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, binisita ng TV host ang bahay ni "Kuya," upang personal na alamin ang malaking balita.

Ayon kay Kuya, magsasama-sama sa kaniyang bahay ang mga Kapuso at Kapamilya artists mula sa Sparkle GMA Artist Center at Star Magic.

Ang pagsasanib-puwersa ng dalawang giant networks ay para sa ika-20 taon ng anibersaryo ng "Pinoy Big Brother" ngayong 2025.

Ayon pa kay Kuya, ipapalabas din sa unang pagkakataon sa GMA Network ang "Pinoy Big Brother Celebrity Edition Collab."

Nakatakdang magpirmahan ng kontrata ang GMA Network at ABS-CBN executives para sa naturang proyekto sa Martes, January 28, sa loob ng Pinoy Big Brother house. — FRJ, GMA Integrated News