Hindi napigilan ni Jenn Rosa na maging emosyonal nang mapag-usapan ang tungkol sa pamilya dahil mag-isa na lang siya sa buhay. Ayon din sa Vivamax actress, tatlong-taong-gulang lang siya nang iwan sila ng kaniyang ina.
Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," tinanong si Jenn at kapuwa niya guest na si Yen Durano, kung ano ang naging reaksyon ng kanilang pamilya sa ginawa nilang pagpapa-sexy sa showbiz.
Si Yen na anak ng aktor na si DJ Durano, sinabing walang naging problema sa kaniyang ama nang pumasok siya sa Vivamax at sinuportahan siya nito.
Ayon kay Yen, hindi siya nagpaalam sa ama sa pagpasok niya sa Vivamax, at nalaman na lang nito.
"Coming from the industry naman, he's very understanding," ayon kay Yen tungkol sa kaniyang ama.
Sinabi rin ni Yen na ginamit niya lang na stepping stone ang pagpapa-sexy para sa kaniyang career.
Ngayon, nais niyang mag-focus sa pagkanta sa pag-alis niya sa Vivamax.
“I used it as a stepping stone for my career since the opportunity presented itself, I took that, I grabbed it. I'm very grateful for the Vivamax platform because without them I would not be here,” ani Yen.
Si Jenn, hindi naman napigilan ang sarili na maging emosyonal nang mapag-usapan ang pamilya dahil mag-isa na lang siya sa buhay.
"Wala na akong family Tito Boy," saad ni Jenn. "Yung mother ko, three-years-old pa lang [ako] iniwan na ako."
Sinabi pa ni Jenn na pumanaw naman ang kaniyang ama noong 2017, at sumunod ang kaniyang kapatid noong 2022 na pumanaw dahil sa epilepsy.
Nang tanungin kung may pagkakataon na hinahanap niya ang kaniyang pamilya, sabi niya, "Oo naman Tito Boy."
"I wish na sana nakikita nila ako kung paano ako ngayon. Kasi alam ko proud sila. Sila yung inspirasyon ko kung bakit ako nandito," sabi pa ni Jenn na hindi na napigilan ang sarili na maiyak.
Ayon kay Jenn, hindi niya inakala na magiging sexy star siya dahil hindi siya confident noon sa sarili.
“Ako, Tito Boy, hindi ko akalain na magiging sexy star ako kasi hindi ako confident dati sa pagpapa-sexy. Kasi medyo chubby ako dati. Then, may nangyari lang sa life ko noon na naging reason kung bakit ako napunta sa Vivamax,” kuwento niya.
Nang tanungin ni Tito Boy si Jenn kung ang pagkawala ng kapatid at naiwang pamangkin ang dahilan ng pagpasok niya sa showbiz, tugon ni Jenn, "Yes Tito Boy,"
Ayon pa kay Jen, masaya siya sa kaniyang trabaho dahil nailalabas niya ang kaniyang mga talento na hindi nila inakala na taglay niya.-- FRJ, GMA Integrated News